Abante Tonite Interactive

Dagdag bayad sa mga guro iginiit ng ACT

243

Iginiit kahapon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Commission on Elections (Comelec) ang dagdag-bayad para sa mga guro na naglingkod at nagsakripisyo ng mas mahabang oras para gampanan ang kanilang tungkulin sa katatapos na national at local elections noong Mayo 13.

Sa isang liham, sinabi ni ACT Secretary General Raymond Basilio na malaking bagay para sa mga nagtrabahong guro na mabigyan ng pampalubag-loob matapos na matengga ng matagal na oras sa mga polling precinct dahil sa mga naranasang delay dulot ng mga depektibong vote counting­ machine, mga nagka-aber­yang SD card at iba pang problema.

Umaabot aniya sa halos 10,000 guro ang pumoste sa mga polling precinct sa loob ng mahigit 24 oras noong eleksyon.

“Teachers had no choice but to stay with the VCMs as votes cannot be counted and results cannot be transmitted without functional SD cards, even if it meant staying at the precincts for two, three days straight. They more than deserve to be given additional compensation at overtime rates,” diin ni Basilio.

Kumbinsido ang ACT na maaaring naiwasan ang mga naranasang delay kung napaghandaan ito ng Comelec.

Kawawa naman aniya ang mga guro na hindi pa man halos nakakapagpahinga ng maayos ay mahaharap na naman sa trabaho dahil sa Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) bilang paghahanda naman sa pasukan ng mga klase sa susunod na buwan. (Mia Billones)