Abante Tonite Interactive

Dagdag bayarin sa kuryente dapat nang alisin

By
299

Lahat tayo ay mulat sa epekto ng bawat pagtaas at pagbaba ng singil sa kuryente. Ma­laking ginhawa kapag bumababa ang singil sa kuryente habang dagdag pahirap naman sa budget ng mga nanay kapag tumataas ang singil. Pero alam ba nating lahat na lalong nagpapabigat sa bayarin natin sa Meralco ang tinatawag na FIT-ALL o Feed-In Tariff Allo­wance?

Noong Mayo, bu­maba ng P10.0041 kada kilowatt hour ang presyo ng kuryente at muli pa itong bumaba sa kabuuang halagang P9.8789 kada kilowatt hour ngayong buwan. Magandang balita sana ito dahil makakahinga nang maluwag ang mga nanay sa pagba-budget ng kakarampot na kita ng kanilang mga mister. Pero ang kaginhawahang ito ay hindi halos naramdaman dahil sa kabila ng dalawang beses na pagbaba sa singil ng Meralco ay itinataas naman ng Energy Re­gulatory Commission (ERC) ang FIT-ALL.

Ano nga ba itong FIT-ALL? Ito ay ang uniform charge na sinisingil sa lahat ng electricity consumer. Makikita ito bilang hiwalay na bayarin sa ating electric bill. Ang kabayarang ito ay kontribusyon natin sa bayarin para sa rene­wable energy developer. Buwan-buwan tayong sinisingil dito. Pero alam ba nating lahat kung ano, para kanino at para saan ang FIT-ALL na ito?

Ang FIT-ALL ay ang charge sa ating bill na napupunta sa mga renewable energy supplier bilang insentibo sa pag-operate ng mga plantang pinatatakbo ng wind, solar, biomass, at hydro power. Kung hindi ninyo napapansin, taon-taon itong tumataas kaya sa ngayon ay masyado nang malaki ang presyo nito.

Ang renewable ener­gy ay ginagamit para mabawasan ang polus­yon sa buong mundo. Pero kung pag-uusapan ang carbon emission, napakaliit lamang ng kontribusyon ng Pilipinas kung ikukum­para tayo sa ibang mga bansa. Hindi hamak na mas malaki pa rin ang porsiyento ng polusyon na nagmumula sa maruruming transportasyon ng ma­yayamang bansa kaya naman hindi makatarungan na napakalaki nang porsi­yentong ating binabayad sa mga kompanyang nagsu-supply ng renewable energy. Ang nakakapagtaka pa, renewable energy ito kaya dapat sana ay mas mura ang singil dito kumpara sa mga fossil fuel? Pero kabaliktaran ang nangyayari. Mas mahal silang sumingil.

Bukod dito, bilang konsyumer ay hindi naman tayo sigurado kung kasama nga ba tayo sa nakikinabang sa binabayaran natin sa renewable energy supplier. Ni wala ring patunay na lahat ng ibinabayad natin sa FIT-ALL ay naibabalik sa atin.

Habang patuloy na tumataas ang baya­ring ito, dapat na nating ungkatin kung saan ba talaga napupunta ang buwanang sinisingil sa atin? Makatarungan ba na ipabalikat ang FIT-ALL sa ating mga konsyumer kahit hindi naman natin sigurado kung nagagamit natin ang kuryenteng mula sa renewable energy?

Bilyon-bilyong piso na ang nakolekta ng mga supplier ng rene­wable energy pero hanggang ngayon ay malabo pa rin ito sa atin. Hindi kaya mas mainam na gobyerno na lamang ang umako ng pagbabayad ng FIT-ALL? Sa halip na pahirapan tayo sa mga bayaring tulad nito, mas dapat gawing prayoridad ng gobyerno ang regular na pagpapababa ng presyo ng kuryente.
Hirap na ang taumbayan, sana alisin na ang mga dagdag pahirap.