Abante Tonite Interactive

Dagdag benepisyo sa 4Ps sa Regions 4B,5,6,7 at 9 puwede ng i-withdraw

606

Maaari nang i-withdraw ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nasa Regions 4B, 5, 6,7 at 9 ang dagdag na tulong mula sa gobyerno sa ilalim ng special amelioration program bilang pantawid sa dinaranas na sitwasyon sa COVID crisis.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na matapos simulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang distribusyon sa Lungsod ng Maynila at Parañaque City nitong Biyernes ay ipinamudmod na sa mga rehiyon ang tulong pinansiyal ng gobyerno.

Tinatayang 18 milyong mahihirap na Pilipino ang makikinabang sa special amelioration program ng gobyerno na pinondohan ng 200 bilyong piso.

“Makakatanggap na ang mga 4P beneficiaries ng top-up na subsidiya sa kanilang buwanang benepisyo mula sa kanilang ATM cards. Maaari nang ma-withdraw ang karagdagang benepisyo ngayong Sabado,” ani Nograles.

Makakatanggap ang bawat mahihirap na Pilipino ng mula 5,000 hanggang 8,000 pesos .

Ikinatwiran naman ni secretary Carlito Galvez Jr., ang National Chief Implementer ng National Action Plan laban sa COVID-19 na kaya cash ang ibinigay sa mga taga-Paranaque City ay dahil inabonohan muna ng kanilang alkalde ang pondo dahil kailangan na ng mga mamamayan ang tulong.(Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad