Abante Tonite Interactive

Dagdag na taon sa aking buhay

By
1,171

Ngayong araw na ito ang araw mismo ng aking kaarawan. Ako ay tatlumpung taong gulang na. Nais ko lamang gamitin ang oportunidad na ito para magpasalamat sa lahat ng aking mga mahal sa buhay, katrabaho, kaibigan at mamamayang Caviteño na patuloy na nagmamahal sa akin.

Una sa lahat, mara­ming salamat sa aking mga magulang, Sen. Bong Revilla at Mayor Lani Mercado-Revilla, na walang sawang sumusuporta at umaalalay sa akin. Patuloy silang gumagabay at nagbibigay ng direksyon para tuluyan kong maabot ang aking mga pangarap. Utang ko ang lahat sa inyo, Papa and Mama. Hindi ko mararating ang kinalalagyan ko ngayon kung hindi dahil sa inyo. Mahal na mahal ko kayo.

Ikalawa, sa aking anak na si Gab. Ikaw ang isa sa mga rason kung bakit ako nagpapatuloy sa buhay. Hulog ka ng langit sa akin anak, mahal kita.

Abante Hiring – IT dep

Ikatlo, sa aking mga kapatid. Bagama’t tayo ay abala sa ating mga sari-sariling buhay, alam kong nandyan kayo parati sa akin. Maraming salamat sa inyo!

Ikaapat, para sa bumihag ng aking puso, Ms. Jodi Sta. Maria. Wala na akong ibang hihilingin pa sa aking birthday kundi magpatuloy ang ating matamis at masayang samahan. Ikaw ang aking bestfriend, adviser, partner in crime at mananatiling kabiyak ng aking puso. Maraming salamat sa iyo, mahal kita.

Ikalima, sa lahat ng aking mga katrabaho, ipagpapatuloy natin ang ating pagseserbisyo sa mamamayan. Masaya ako na binigyan akong muli ng karagdagang taon para paglinkuran ang ating mga kababa­yan. Salamat sa inyo dahil lagi kayong nandyan para ipagpatuloy at paghusayan ang ating pagsisilbi sa bayan.

Tatlumpung taon na ang ibinigay sa akin ng Maykapal. Tatlong dekadang punung-puno ng kasiyahan, kalungkutan, tagumpay at pagsu­bok. Lahat ng ito ay aking nalagpasan at patuloy na malalagpasan dahil sa a­king mga mahal sa buhay.

Nais kong ibalik sa mamamayang Caviteño ang lahat ng mga biya­yang pinagkaloob sa akin. Pangako kong ipagpapatuloy ko ang walang sawa at walang kapagurang paglilingkod sa inyo. Papatunayan natin na ang tunay na Agimat ng Masa ay ang paglingkuran sila nang may puso at walang pag-iimbot.

Sa bagong yugto ng aking buhay, wala akong ibang hangad kundi bigyan ako ng maayos na kalusugan at malinaw na kaisipan. Bigyan ako ng katatagan para magampanan ko ang aking tungkulin sa aking pamilya at mamamayan.

At panghuli, wish ko pa rin na makapiling na namin ang aming Papa, Sen. Bong Revilla. Malungkot ako na hindi pa rin kita makakasamang ipagdiwang ang aking birthday. Pero masaya ako dahil naniniwala akong malapit na malapit ka na namin makasama.

Muli, maraming maraming salamat sa inyong lahat! Lagi niyong tatandaan, KAYO ANG IDOL KO!