Dagdag timbang huwag isisi sa lockdown

Nakakatuwa ang marami sa ating mga kababayan ngayong panahon ng community quarantine dahil sa mga sari-saring posts sa social media kaugnay sa kanilang mga ginagawa at pinagkakaabalahan ngayong panahon ng lockdown dahil sa COVID crisis.
Marami sa mga Pinoy ang nagrereklamo sa kanilang Facebook account dahil sa epekto ng lockdown sa kanila, ang iba ay idinadaing ang kawalan ng trabaho, walang kita dahil limitado ang paglabas ng mga tao, stranded sa ibang lugar at hindi makauwi at mga personal na dahilan gaya ng pananaba o pagdagdag ng timbang dahil sa mahigit tatlong buwang pananatili sa bahay.
May mga iba naman na dahil nanatili sa kanilang mga bahay, nakatuwaan ang mag-post sa social media ng araw araw na ginagawa , pati ang araw araw na kinakain mula almusal, tamghalian, meryenda hanggang hapinan.
Pero ang kasunod nito ay ang reklamo na lumaki ang katawan, sumikip ang mga damit at nadagdagan ang timbang.
Hindi naman masama ang kumain ng kumain basta tama lang ang mga kinakain, gaya ng mga may sustansiyang pagkain at hindi junk foods.
May mga kaibigan ako na nakakausap sa telepono at habang nagkukumustahan ay isisingit na nanaba sa panahon ng lockdown dahil walang ginawa kundi kumain ng kumain.
Epekto ba talaga ng lockdown at community quarantine ang pagdagdag ng timbang? Ang sagot po ay hindi, dahil bukod sa panginginain ay maraming mga produktibo at makabuluhang bagay ang puwedeng gawin habang nasa home quarantime.
Oo nga’t pagkakataon na ng isang pamilya ang panahon ng lockdown para makapag-bonding at magkaroon ng mahabang quality time, pero alam naman natin sa sarili natin na mayroong mga dapat gawin at obligasyon habang nasa home quarantine.
Pagkakataon na sa panahon ng lockdown na gawin ang mga bagay na noon pa ay gustong-gustong gawin gaya ng pag-aayos sa loob ng bahay, magsimula ng munting garden o ayusin ang mga halaman na hindi nagagawa dahil sa pagiging abala noong mga panahong wala pa ang COVID-19.
Nakakatuwa lang mabasa sa social media ang mga “self- conscious” remarks dahil tila ba wala na ibang puwedeng gawin habang nasa bahay kundi ang kumain ng kumain at pagkatapos ay magreklamo dahil sa dagdag na timbang.
Mga ate, mga kuya, may paraan po para hindi magdagdag ng timbang at lumobo sa panahon ng quarantine, mag-inat-inat po kayo, subukang tumulong sa mga gawaing bahay ni mommy , ni mama at ni inay o kaya ay tulungan si daddy sa mga gawaing panlalaki gaya ng paglilinis ng kotse, magpaligo ng mga alagang hayop para hindi matulog sa katawan ang mga idinagdag na mantika mula sa pagkain.
Ang susi po ay DISIPLINA. Sa halip na mag-ipon ng timbang at taba sa katawan, gawing makabuluhan ang home quarantine at higit sa lahat ay palakasin ang katawan para hindi makapitan ng COVID-19.