Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dahas sa eleksiyon tuldukan na

0 109

Kahit tapos na ang halalan ay may mga naglalabasan pa ring ulat hinggil sa nangyaring karahasan sa ilang bahagi ng bansa noong eleksiyon kahit pa sabihin ng Commission on Elections (Comelec) Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na mapayapa sa kabuuan ang 2022 national at local elections.

Katulad na lamang ng diumano’y nangyaring karahasan sa Malabang, Lanao del Sur noong eleksiyon.

Sinasabing pinasok diumano ng mga supporters ng isang mayoralty candidate ang ilang voting precincts at kinumpiska ang ilang mga balota kaya natigil ang botohan.

Dahil sa karahasan ay marami umanong botante ang nagdesisyong umuwi at huwag nang bumoto dahil sa takot na madamay sa kaguluhan.

Ang mga kaguluhan ay pinatunayan pa umano ng mga videos na nag-viral pa sa social media.

Ang karahasan ang nagtulak sa kampo ng natalong mayor ng Malabang, Lanao del Sur na si Al-Rashid Macapodi na maghain ng petisyon para suspendihin ang proklamasyon ng kalaban nitong si Dagar Balindong na sinasabing nanalo sa halalan.

Sa petisyon sa Comelec ng kampo Macapodi iginiit nitong malinaw umanong nagkaroon ng failure of election sa ilang presinto sa bayan ng Malabang dahil sa mga nangyaring kaguluhan noong araw ng halalan na nauwi pa sa pagkamatay at pagkasugat ng ilang katao.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nasa kabuuang 7,878 mga botante ang apektado diumano ng nangyaring karahasan.

Binanggit pa sa motion to suspend proclamation na ang mga karahasang naganap noong eleksyon sa naturang bayan ay nasaksihan mismo nina Aminoden Macapodi at Aliya M. Tangcolo na kabilang sa mga tumatayong petitioner.

Sa kasong ito ay nasa kamay na ng Comelec ang bola para hatulan kung tama bang ikunsiderang failure ang nangyaring halalan sa nasabing bayan.

Gayunman ay umaasa tayong bibigyang pansin ito ng Comelec sa lalong madaling panahon upang matuldukan na ang mga karahasang nangyayari tuwing halalan.

Nakasalalay sa Comelec ang pag-awat sa ganitong kalakaran ng pandaraya, lalo na ang paggamit ng dahas, sa mga eleksyon na darating.

Naniniwala tayo na kaya at gagawin ng Comelec ang tamang desisyon bilang pagkilala sa boses ng mga botante sa kanilang lugar nang hindi ginagamitan ng dahas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.