Abante Tonite Interactive

Dahi-dahilan

387

Patuloy ang pagbaba ng presyo ng langis sa Pilipinas dala ng patuloy ring pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado. Magandang balita na sana kung hindi lang sana nananatiling mataas ang presyo ng mga bilihin, lalo na ng pagkain.

Mariing isinisisi ng administrasyong Duterte ang 6.7% inflation sa mataas na presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado. Lubhang wala raw silang magagawa tungkol dito dahil nag-aangkat lamang daw tayo.

Ngunit ngayong nasa ika-anim na linggo na ang pagbaba ng presyo ng langis, hindi ba’t nakapagtataka na hindi man lang bumaba ng kaunti ang presyo ng iba pang mga bilihin?

Ang kabalintunaang ito ay dapat maipaliwa­nag at agad na masolus­yunan ng administrasyong ito. Karapatan ng taumbayan na malaman kung bakit sa kabila ng pagbaba ng presyo ng langis ay ganu’n pa rin naman ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ngayong wala na ang diumano’y dahilan ng mataas na presyo ng pagkain at iba pang produkto, panahon na para tukuyin ng admi­nistrasyong ito ang tunay na ugat ng problema. Krudo nga ba talaga o baka ang mismong TRAIN na basta-basta na lang nilang ipinasa?

May mandato ang Department of Trade and Industry (DTI) upang bantayan ang presyo ng mga bilihin. Hindi makakaila na kung nagmura ang krudo, bababa rin ang gastos sa produksyon; at kung bumaba ang gastos sa produksyon ay dapat madama ito ng mga pang­karaniwang Pilipino.

Hindi sapat na bumaba ang presyo ng langis dahil hindi naman ‘yan ang lumalaman sa sikmura ng mga Pilipino. Dapat ring bumaba ang presyo ng pagkain upang walang pamilyang Pilipino ang magtitiis sa gutom.

Nauubusan na ng puwedeng maidahilan ang administrasyong Duterte. Panahon na siguro upang umamin na sila sa kanilang mga kapalpakan at magbigay ng angkop na solusyon upang maitama ang mga ito.