Abante Tonite Interactive

Dalaga 14 beses sinaksak sa Payatas

0 592

By Dolly Cabreza

Hinihinalang ginahasa muna bago pinatay ang isang 18-anyos na grade 10 student na natagpuan ang bangkay sa loob ng inuupahan nitong kuwarto sa Brgy. Payatas, Quezon City noong Biyernes nang gabi.

Nabatid na nagtamo ng 14 na saksak ang biktima kabilang sa kanyang leeg, kaliwang braso at kanang tagiliran. Wala rin itong saplot pang-ibaba nang matagpuan sa kanyang kuwarto.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District-Station 6, dakong alas-singko nang hapon (Hunyo 7) nang madiskubre ng kapitbahay na si Alonica Alba ang bangkay ng biktima na kinilala na lang sa alyas Anita, sa loob ng inuupahan nitong kuwarto sa La Trinidad St., Brgy. Payatas.

Sa pahayag ni Alba sa pulisya, nakaamoy umano siya ng masangsang mula sa kuwarto ng biktima at napuna niya na bahagyang nakabukas ang pinto nito kaya’t naisipan niyang sumilip.

Doon na bumulaga sa kanya ang duguang bangkay ng biktima na nasa ibabaw ng higaan nito at walang saplot pang-ibaba.

Agad humingi ng tulong sa mga kapitbahay si Alba at ini-report nila sa barangay at pulisya ang natuklasan.

Ayon kay Lt. Col Joel Villanueva, hepe ng QCPD-Station 6, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na Biyernes pa ng tanghali nang huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang mga kapitbahay.

Natukoy rin na isang Grade 10 student ang biktima at mag-isa lamang nakatira sa inuupahang kuwarto. Nagtatrabaho umano sa ibang bansa ang mga magulang nito.

Dagdag pa ni Villanueva, magulo sa loob ng kuwarto ng biktima at posibleng pinasok ito ng hindi pa nakikilalang suspek habang natutulog ang dalaga.
Isasailalim rin sa awtopsiya ang bangkay upang matukoy kung ginahasa nga ito bago pinatay dahil na rin sa wala itong saplot pang-ibaba nang matagpuan.

Nagsasagawa na rin ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy kung sino ang nasa likod ng krimen.