Abante Tonite Interactive

Dalaga nadale ng 3 akyat-bahay na teenager

523

Tatlong kabataan ang inireklamo ng pagnanakaw matapos pasukin ang bahay ng isang dalagang motor shop owner at limasin ang mga kagamitan nito saka ibinenta sa Gen. Trias City, Cavite, Linggo ng umaga.

Edad 13, 14, at 15 ang tatlong kabataan na nireklamo ng biktimang si Vilma Deolaso, 48, nakatira sa Parañaque City pero may bahay sa Gen. Trias City.
Sa ulat ni PCpl. Allan John Edoria ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-otso ng umaga nang bisitahin ni Deolaso ang kanyang bahay sa Brgy. San Francisco, Gen. Trias City pero nagulat ito nang makitang halos wala nang mga kagamitan sa loob habang ang iba ay sinira at ikinalat.
Huling dumalaw umano ang biktima sa kanyang bahay noong Nobyembre 18, 2019 kung saan kumpleto pa ang kanyang mga kagamitan.

Ini-report ng biktima sa barangay ang insidente at dito nalaman nila na isang metal bed ang ibinenta sa isang residente sa lugar na kinilala ni Deolaso na pagmamay-ari niya.

Nakipagtulungan ang nakabili ng metal bed at natunton ang kina­roroonan ng isa sa tatlong suspek hanggang sa natukoy na rin ang dalawa pang kasamahan nito.

Inamin umano ng mga suspek na kanilang pinasok ang bahay ng biktima at kinuha ang mga applian­ces at iba pang kagamitan saka ibinenta.

Pero ayon kay PCpl. Edoria, hindi puwedeng arestuhin ang tatlong suspek dahil ‘consummated’ na ang kasong ginawa.

“Hinihintay na lang ang imbentrayo ng mga kagamitan na ninakaw bago ito magsampa ng kaso at hihintayin ang warrant of arrest na ibababa ng korte bago arestuhin ang tatlong menor de edad,” ayon kay PCpl. Edoria. (Gene Adsuara)