Abante Tonite Interactive

Dalaga nagahasa sa kalasingan

727

Arestado ang isang 21-anyos na lalaking nakipag-inuman makaraang sundan nito ang isang pauwi nang dalagang nalasing at reypin ng suspek sa San Ildefonso, Bulacan kamakalawa.

Sa report ni Police Lt. Col. Voltaire Rivera, San Ildefonso police chief, nakilala ang suspek na si Alfie Cornelio y Flavian, 21, residente ng Brgy. Pinaod, Bulacan makaraang reypin nito ang biktimang itinago sa pangalang Gel, 22-anyos.

Nabatid na bandang ala-1:30 ng madaling-araw nang mangyari ang pangri-rape nang makipag-inuman ang biktimang si Gel sa kaibigan ng kanyang pamangkin.

Tiyempong dumating din ang suspek, nakipag-inuman sa kanila at namulutan.

Nang makaramdam ng pagkahilo ang biktima ay nagpasya na itong umuwi ngunit lingid dito’y sinundan ito ng suspek at pinasok sa loob ng kanyang bahay saka siya hinubaran at ginahasa, na dahil sa kalasingan ay walang nagawa ang biktima.

Nang makaraos at tumakas ang suspek ay dito na nagsumbong sa awtoridad ang biktima kaya inaresto ang suspek. (Jun Borlongan)