Abante Tonite Interactive

Dalaga sinakal, hinoldap ng grade 6

433

Dahil lamang sa halagang P142.00, swak sa piitan ang Grade 6 student matapos na looban, sakalin at holdapin ang dalagang crew ng Angel’s Burger sa Quezon City kahapon nang umaga.

Sa report ni P/MSgt. Roderick­ Mallanao, ng QCPD Fairview Police Station, ang insidente ay naganap dakong alas-4:20 nang madaling-araw (Agosto 12) sa Angel’s Burger sa Commonwealth Ave., Brgy. Greater Fairview, Quezon City.

Ang biktima ay nakila­lang si Ma. Sharimae Casten Pastor, 22, college graduate, taga-Floravista Condominium, Peacock St., Brgy. Greater Fairview, QC at crew ng Angel’s Burger.

Agad namang naaresto ang suspek na si Kenneth Catadman Bersalona, 21, binata, Grade 6, merchandiser, at taga-Brgy. Greater Fairview, QC.

Sa pahayag ng nakasaksing si John Bagares Galvinder, 37, binata, bus inspector, bumibili umano siya ng burger nang pumasok ang suspek, sinakal ang biktima saka pinadapa at nagpahayag ng holdap.

Kasunod noo’y nilimas ng suspek ang mga barya na nagkakahalagang P142.00 na nakalagay sa tray at isinilid sa dala nitong Samsonite shoulder bag.

Hindi pa nakuntento ang suspek, binalikan pa ang crew at tinanong kung saan nakalagay ang mga benta subalit mabilis na nakatakbo ang biktima at humingi ng saklolo.

Agad namang nadakip ang holdaper nina P/Cpl. Rodmar Don Brusas, P/Sr. MSgt. Cyrel V Aguitong, ng Fairview Police Station sa tulong ng mga Barangay police na sina Geraldo Dela Cruz at Joselito Villona. (Dolly Cabreza)