Abante Tonite Interactive

Dalagang Jesuit teacher pinatay

469

Marahas na kamatayan ang sinapit ng isang Jesuit volunteer teacher sa Pangantucan, Bukidnon habang nasa malubhang kalagayan ang kanyang kasamahang abogado makaraang pagsasaksakin sila ng isang lalaki na nahuli nilang nagnanakaw sa loob ng kanilang quarter noong Biyernes nang hapon.

Namatay noon din sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktimang si Genifer Buckly, 24-anyos at residente ng Guipos, Zamboanga del Sur.

Inoobserbahan naman sa ospital ang kanyang kasamahan na si Ann Kathleen Gatdula, 30, isang abogado at residente ng Quezon City.

Kabilang ang dalawang biktima sa Jesuit Volunteer Program (JPV) na ang misyon ay magturo sa Pangantucan Community High School.

Arestado naman sa follow-up operation ng pulisya na nakilalang si Alrod Naquilla y Villorejo alyas ‘Anod’ na nahaharap ngayon sa mga kasong robbery with murder at frustrated murder.

Nakilala ang suspek ng ilang saksi habang papatakas mula sa pinangyarihan ng krimen.

Base sa ulat ng Pangan­tucan Municipal Police Station, nangyari ang krimen dakong alas-dos nang hapon matapos mahuli ng mga biktima ang suspek sa loob ng kanilang quarter sa Kinalayan Village, Brgy. Poblacion.

Nabatid na nagkaroon ng komosyon sa loob ng quarter hanggang sa pinagsasaksak ng suspek ang dalawang babae pagkatapos ay mabilis itong tumakas.

Pero nakilala ng ilang saksi ang suspek kung kaya’t nagsagawa agad ng follow-up operation ang mga pulis at naaresto ito dakong alas-singko nang hapon ng Biyernes.

Hindi agad maiharap ang suspek sa nakaligtas na biktima dahil hysterical pa ito dahil sa pangyayari pero sa pamamagitan ng artist sketch na ipinakita kay Gatdula ay positibo nitong itinuro si Naquilla na siyang nanloob sa kanilang quarter.

Si Buckly ay nagtapos ng secondary education sa Ateneo de Zamboanga University at kabilang sa bagong batch ng mga JPV volunteer na dumating sa Pangantucan noong Mayo 27 ngayong taon. (Edwin Balasa)