Abante Tonite Interactive

Dalagang kostumer ng Puregold pinakulong

573

May ipinakulong na naman ang Puregold ni Lucio Co na isang dalaga. Ito ay matapos mahuli na nagnakaw ng mga paninda sa isang sangay ng nasabing supermarket sa Valenzuela City kamakalawa.

Sa isinumiteng ulat kay P/Lt. Col. Noel. D. Ramirez, Deputy for Administration (DECOPA) ng Valenzuela Police, kinilala ang naarestong suspek na si Nicole Ann Pascua, 20, nakatira sa No. 50 Acero St.,
Brgy. Catmon, Malabon City.

Kuwento ni Lt. Col. Ramirez, bandang alas-8:35 nang gabi, pumasok sa loob ng supermarket si Pascua na nakabase sa Mac Arthur Highway, Brgy. Dalandanan, Valenzuela City at nagkunwaring kustomer.

“May malaking shoulder bag daw itong suspek nang pumasok sa loob. Mukhang disente eh, kaya hindi daw mapapagkamalan na shoplifter sabi ng mga empleyado ng supermarket,” ani Ramirez.

Papalabas na ng pintuan ng Puregold si Pascua nang mapansin ng duty security guard na si Galit ang matambok na shoulder bag ng babae.

Bunga nito, nilapitan ng sekyu ang dalaga, sinita at inutusang buksan ang bag. Dito na tumambad ang iba’t ibang klase ng grocery item na nagkakahalagang P14,716.25 na nasa loob ng shoulder bag.

Dinala sa supervisors room ang suspek at tinawag sa presinto kung saan idiniretso ang suspek. (Orlan Linde)