Abante Tonite Interactive

Dalagita, 2 binatilyo nagnakaw ng motorsiklo

By
1,859

Tatlong menor de edad ang naaresto ng pulisya matapos umanong tangayin ang isang motorsiklo sa Brgy. Sta. Ana, Pateros kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa mga suspek ay isang 14-anyos na dalagita at dalawang 15-anyos na binatilyo na parehong estudyante.

Nabatid na ipinarada ng nagreklamong si Pablito Marollano, 46-anyos, ang kanyang motorsiklo na may plakang NV 6950 sa Ragas Street ng naturang barangay at pagbalik ay wala na ito.

Ini-report ni Marollano ang insidente sa Pateros Police at ilang sandali pa ay tumawag ang kanyang anak at sinabing namataan ang motorsiklo sa M. Almeda St., Brgy. Martinez Del 96 sa nasabing bayan.

Agad na ikinasa ng mga pulis ang follow-up operation at naabutan ang 14-anyos na dalagita na dala ang motorsiklo.

Inaresto ng mga pulis ang dalagita at itinuro naman nito ang dalawa pang binatilyo na kasabwat niya sa pagnanakaw ng motorsiklo kung kaya’t nahuli rin ang mga ito.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang tatlong bagets pero ililipat din sa Department of Social Welfare and Development dahil mga menor de edad pa.