Abante Tonite Interactive

Dalagita 5 taong sex slave ng tiyuhin

By
1,320

Bumagsak sa bilangguan ang isang jeepney driver sa Malabon City makaraang damputin kahapon ng mga pulis dahil sa reklamo ng kanyang 15-anyos na pamangkin na ginawa umanong sex slave ng suspek sa loob ng limang taon.

Sa ulat ng Women and Children’s Protection Desk, bandang alas-12:30 nang tanghali kahapon nang samahan ng kanyang mga nakatatandang kasamahan sa sekta ng kanilang relihiyon ang hindi na pinangalanang dalagita sa Malabon Police Station.

Inireklamo ng dalagita ang ginawang pang­hahalay sa kanya ng tiyuhing si Alex Cugay, 51-anyos, na sa loob umano ng limang taon ay hinahalay siya nito.

Batay sa sumbong ng dalagita, agad na tinungo ng mga operatiba ng pulis­ya ang suspek sa bahay nito at inaresto.

Nabatid na naikuwento ng biktima sa isang kaibigan nito ang ginagawa sa kanya ng tiyuhin. Agad namang nagpatulong ang kanyang kaibigan sa kanilang mga nakatatandang kasamahan sa sekta kaya’t sinamahan siya ng mga ito upang magreklamo.

Sa salaysay ng biktima, hindi niya magawang isumbong kahit kanino ang kalapastanganang ginagawa sa kanya ng tiyuhin dahil pinagbabantaan siyang papatayin nito. Huling beses umano siyang hinalay ng tiyuhin noong Agosto 3.

Hanggang sa hindi na talaga umano niya kinaya pang dalhin ang bigat sa kanyang kalooban at naikuwento ito sa kaibigan na siyang tumulong sa kanya.

Nakakulong ngayon sa Malabon Police Station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong rape habang isasai­lalim naman sa counseling ang dalagitang biktima.