Abante Tonite Interactive

Dalagita ‘inulam’ ni insan

By
14

Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 30-anyos, na lalaki na ang palusot ay kumukuha lang siya ng ulam, makaraang ireklamo ng panghahalay ng kanyang 16-anyos na pinsan sa Bgy. Bagong Silangan, Quezon City.

Ayon sa biktimang itinago sa pangalang Amor, natutulog siya katabi ang tatlo niyang kapatid nang maramdaman niyang may humihimas sa maseselang bahagi ng kanyang katawan.

Nang buksan umano niya ang kanyang mga mata ay nakita niya ang kanyang pinsang lalaki na nakakubabaw na sa kanya at nang magtangka siyang sumigaw ay agad na tinakpan ng suspek ang kanyang bibig at pinagbantaang sasaktan.

Gayunman, hindi umano siya natakot at nanlaban ang biktima habang nagtitili hanggang sa magising ang kanyang mga katabing kapatid.

Dahil dito ay tumakbo ang suspek at muling­ umakyat sa kanyang tulugan. Agad namang nagreklamo ang dalagita sa pulisya at naaresto ang kanyang pinsan.

Sa himpilan ng pulisya ay inamin ng suspek (hindi muna pinangalanan) na pumasok siya sa silid ng biktima, subalit hindi umano niya ito hinalay. “Hindi po totoo ‘yun, kumuha lang po ako ng ulam doon,” ayon sa suspek.

Nabatid na wala sa bahay ang mga magulang ng biktima nang mangyari ang panghahalay sa dalagita.

Ang biktima ay pansamantalang dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa counseling, habang nakatakda namang kasuhan ng rape ang manyakis na pinsan.