Abante Tonite Interactive

Dalagita pa lang drug pusher na

343

Pahinga muna sa pagtutulak ng iligal na droga ang isang 16-anyos­ na dalagita kasama ang dalawa niyang kaibigan matapos silang madakip ng mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation, Martes ng gabi sa Caloocan City.

Sa report kay Police Lt. Col. Ferdie Del Rosario, Assistant Chief of Police for Administration (ACOPA), kinilala ang nadakip na sina Chistopher Cristobal, construction worker; Percy Alvarez, 43, at 16-anyos na dalagita na itinago sa pangalang Gel.

Sa ulat ng pulisya, alas-nuwebe ng gabi, nagkasa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pamumuno ni Police Capt. John David Chua sa kahabaan ng Pechayan, Brgy. 178, Camarin, Caloocan City.

Target ng mga pulis ang tatlong suspek lalo na ang dalagitang si Gel na kilalang drug pusher sa kanilang lugar.

Isa sa mga operatiba ng SDEU ang nagkunwaring poseur buyer at bumili ng P500 halaga ng shabu.

Matapos iabot ng mga suspek ang sachet ng shabu sa nagkunwaring buyer, doon na dinamba ang mga suspek.

Nakuha kay Cristobal ang dalawang plastic sachet gayundin kay Gel, habang nakumpiska kay Alvarez ang isang cal. 22 na may apat na bala. (Orlan Linde)