Abante Tonite Interactive

Dalagitang Fil-Chinese nag-suicide sa Sanctuarium

By
9,886

Halos magkalasog-lasog ang katawan ng isang dalagitang Filipino-Chinese na sinasabing tumalon mula sa ika-10 palapag ng columbary building ng Sanctuarium sa Araneta Avenue corner Agno Extension, Brgy. Tatalon, Quezon City nitong Lunes ng tanghali.

Itinago na lang ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima sa pangalang ‘Weng’, 15-anyos at nag-aaral sa hindi tinukoy na pribadong eskuwelahan sa Maynila.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nabatid na dakong alas-12:00 ng tanghali nang tumalon umano ang dalagita mula sa ika-10 palapag ng gusali ng Sanctuarium Funeral.

Ayon sa mga security guard ng gusali, nagulat na lamang sila nang makarinig ng malakas na kalabog sa sementadong kanal ng Sanctuarium at nang kanilang usisain ay bumungad sa kanila ang biktima na duguan at nangingisay pa.

Agad na tumawag ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) team sa QCPD ang mga guwardiya para imbestigahan ang insidente.

Makalipas ang mahigit sa isang oras ay dalawang kamag-anak ng biktima ang duma­ting na siyang positibong kumilala sa bangkay nito.

Sinasabing matinding depresyon ang dahilan ng ginawang pagpapakamatay ng dalagita.

Nakiusap naman sa mga mamamahayag ang pamilya nito na huwag nang banggitin pa ang pangalan ng nagpatiwakal na dalagita.

Tumanggi rin ang pamilya na magbigay ng detalye kung ano talaga ang dahilan ng pagpapakamatay ng dalagita.