Abante Tonite Interactive

Dalagitang naglakad nang tulog, sinagip sa pagkahulog sa bangin

368

Mga ka-Misteryo, nakaranas na ba kayo o sinumang kaibigan niyo ng sleep walking o paglalakad habang tulog?

‘Yan ang ating paksa ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Naikuwento sa #Misteryo ni Ami­go ng Pasay ang karanasan ng kanyang misis na muntik nang madisgrasya sa bangin sa kanilang probinsya sa Negros.

Dalagita noon ang kanyang misis nang isang gabi ay biglang bangon at naglakad habang tulog palabas ng kanilang bahay at naglakad sa direksyon ng bangin sa kanilang lugar.

Misteryo: “Paano nakaligtas sa panga­nib ang iyong misis? Saka malalim na ang gabi nu’n kaya imposibleng may makakita sa ­kanya.”

Amigo: “Mabuti na lamang nagising ang kanyang kapatid na lalaki at sinundan si misis kaya hayun, hinatak siya at biglang na­gising. Nagulat nga si misis kasi hindi niya alam ang nangyari.”

Misteryo: “Ano daw ba ang nangyari sa pagtulog niya at bakit siya naglakad nang tulog?”

Amigo: “Meron daw tumawag sa kanyang pangalan habang natutulog siya kaya’t sumunod siya. Sinabi sa kanya: ‘Halika sumunod ka sa akin dito sa mga batuhan.’

Misteryo: “Nakita ba niya ‘yung tumatawag sa kanya? Hindi ba sinabi kung bakit siya tinawag palabas ng kanilang bahay?”

Amigo: “Boses lang ang narinig niya at hindi rin sinabi kung ba­kit siya tinawag. Para ka­sing kontrolado ng boses si misis nu’ng oras na ‘yun.”
Misteryo: “Mabuti nasundan siya ng kapatid na lalaki at hindi nahulog sa bangin si misis mo.”

Amigo: “Mabuti nga nakita siya ng kapatid pero pagkatapos nu’n, ‘yung mismong kapatid niyang lalaki ang tinawag din sa pagkaka­tulog patungo sa naturang lugar.”

Misteryo: “Sino naman ang sumagip sa kapatid niyang lalaki nang mag-sleep walk?”

Amigo: “Siya din mismo bigla siya na­gising habang naglalakad. Ganundin, may narinig na boses na tinawag siya.”

Maraming teorya kung bakit nag-sleep walk ang isang tao. Karaniwan ay sanhi daw ito ng stress, kakulangan ng tulog, at lagnat. Ang sleep walking ayon sa medisina ay tinatawag na ‘parasomnia at somnambulism.’ Hindi saklaw ng medisina ang dahilang paranormal ng sleep walking tulad ng pagtawag ng mahiwagang boses na maaaring kagagawan ng mga engkanto o elemento.

Para sa inyong mga kuwentong karanasan ng kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsiba­yan.com at Abante.com.ph.