Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dalaw Patron

0 153

Mahigit isang buwan pa bago ang pista ni San Agustin o mas kilala sa tawag na Tata Usteng, pero naghahanda na ang mga taga Tanza sa taunang selebrasyon. Tuwing ika-28 ng Agosto ang pista ng mahal na patron ng San Agustin dito sa aming bayan ng Tanza, lalawigan ng Cavite.

Ito na ang ikalawang taon na walang magarbong pagdiriwang. Dahil bawal pa rin ang mass gathering, payak pa rin ang magiging paggunita sa kapistahan ni Tata Usteng. Sa kasagsagan ng pandemya noong isang taon, inilunsad ang ‘Pakaway’. Sa halip na ‘Pahalik’ sa imahen, kaway na lang ang ginawa ng mga deboto sa mapaghimalang santo.

Dinarayo ang pista ni Tata Usteng hindi lang ng mga taga-Cavite, kundi maging ng mga taga-ibang probinsya at lungsod sa iba’t ibang panig ng bansa. Marami ring balik-bayan ang umuuwi tuwing Agosto para makiisa sa taunang selebrasyon.

Ngayong taon, sinimulan na ang ‘Dalaw Patron’. Mismong ang imahen ni Tata Usteng ang inilalapit sa mga residente para maiwasan ang siksikan at kumpulan sa simbahan. Sa ‘Dalaw Patron’, ipinaparada ang imahen ni San Agustin sa pamamagitan ng motorcade kung saan bilang lang sa daliri ang puwedeng sumama. Iniroronda ito sa mga barangay kung saan nagsasagawa rin ng banal na misa.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kanya-kanya namang paraan ang mga barangay sa pagsalubong sa imahen ni San Agustin. Ang ilan sa mga residente, nagtirik ng kandila sa labas ng kanilang bahay habang dumaraan ang motorcade. Sinabayan nila ito ng taimtim na panalangin. Ang iba naman, may fireworks display matapos ang banal na misa na isinagawa sa covered court ng barangay.

Siniguro naman ng pamunuan ng simbahan na mahigpit na ipinatutupad ang umiiral na health protocols. Nasa ilalim na ng GCQ o general community quarantine ang lalawigan pero mahigpit pa rin ang bilin sa mga residente na sundin ang minimum public health standards. Kabilang na rito ang pagsusuot ng face mask at face shield higit lalo kung nasa public places, pagtalima sa social distancing at palagiang paghuhugas ng mga kamay.

Ilang beses na ring naitampok si Tata Usteng sa mga palabas sa telebisyon dahil sa mga milagrong pinaniniwalaang gawa niya. Minsan nang nag-korteng imahen ni Tata Usteng ang puno ng saging na nakatanim sa bahay malapit sa simbahan. Ilang beses na ring nagpakita umano ang santo sa mga taong simbahan. Bukod pa ito sa paniniwala ng ilang nakatatanda na nawawala ang imahen ng santo tuwing magpipista. Ang dahilan, si Tata Usteng daw mismo ang kumukumbida sa mga deboto na magsimba.

Hindi matatawaran ang debosyon at taimtim na pananampalataya ng mga taga-Tanza kay Tata Usteng. Tuwing may sama ng panahon, sa kanya lumalapit ang mga magsasaka at mangingisda ng bayan para patnubayan pa rin sila sa kanilang kabuhayan. Noong kasagsagan ng tagtuyot, si San Agustin ang pinaniniwalaang dahilan kaya bahagyang umulan sa bayan. Siya rin daw ang nagpapahinto naman sa malalakas na bagyo kaya hindi napupuruhan ang Tanza kahit pa kabilang ito sa coastal areas ng probinsya.

Ngayong may pandemya, kay Tata Usteng din kumakapit ang maraming Tanzeño – umaasang sa tulong ng mahal na patron, matutuldukan na ang pagkalat ng Covid-19 hindi lang sa aming bayan kundi sa buong mundo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.