Abante Tonite Interactive

Dalawang beses nabiktima

301

Nabigla ang ma­raming Pinoy sa pagputok ng Bulkang Taal noong Linggo nang hapon. Maraming residente sa paligid ng nag-alburutong bulkan ang napilitang magsilikas upang pumunta sa ligtas na lugar. Iniwan nila ang kanilang bahay at mga alagang hayop.

Tulad ng inaasahan, bumuhos naman ang tulong para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan. May mga organisasyon ang direktang pinamahagi ang relief goods sa mga evacuee. May iba namang pinadaan sa mga lokal na opisyal ng gobyerno sa Batangas.

Ang nakalulungkot, may mga natanggap tayong report na isang lokal na opis­yal ang nagsagawa ng ­switching ng relief goods. ‘Yung mga natanggap niyang impor­ted na de latang ham, tinago sa kanyang bahay. Ang pinamigay sa mga evacuee ay yaong pangmahirap talaga – mga sardinas.

Nakalulungkot talaga na kahit sa panahon ng kalamidad, may mga taong nagsasamantala pa rin sa mga biktima. Nadale na nga sila ng pagsabog ng Bulkang Taal, nabiktima pa sila sa kasuwapangan ng lokal na opisyal. Tamaan ka sana ng kidlat mula sa bulkan.

Hindi lang sa nasabing lugar nangyayari ang switching ng relief goods dahil nangyari rin ito sa Eastern Visayas nang hagupitin ang mga residente dito ng super bagyong Yolanda. Di ba’t bumuhos ang mga donasyon noon hindi lang mula sa Pilipinas kundi galing din sa ibang bansa?

Nabalita pa noon ang apat na container ng relief goods na binaon sa lupa matapos masira. Sayang naman! Kung malapit nang mag-expire ay pinamahagi na lang sana sa mga nanga­ngailangan para naman mapakinabangan ito kaysa naman tumaba ang mga bulate.

Paulit-ulit na lamang itong nangyayari sa bansa.

Sa mga susunod na kalamidad na tatama sa Pinas, asahan na­ting may magsasamantala na naman sa mga mabibiktima. Diyos na lang ang bahalang maningil sa kanila.