Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dalawang dekadang panukalang batas

0 209

Higit dalawang dekada na palang tinatalakay ng Senado at Kamara ang panukala para i-regulate ang parking fees sa mga shopping mall at commercial establishment.

Sumagi ito sa aking isipan nang aprobahan ng Kamara kamakailan ang House Bill No. 7725 o ang panukalang Parking Operations and Fees Regulation Act.

Hangad ng panukala na gawing libre ang paggamit ng parking space sa mga ospital, shopping mall, hotel, restaurant at iba pang business establishment. Kailangan lang ang proof of transaction sa establisiyimento para maging libre ang parking fee. Kung nagpalamig ka lang sa shopping mall at wala namang binili, kailangang magbayad sa parking.

Sa retail establishment naman, libre ang unang dalawang oras at may bayad na kapag sumobra.

Ganito na pala katagal pabalik-balik ang panukala para gawing libre ang bayarin sa paggamit ng parking space sa mga establisiyimento. Patapos na ang 18th Congress sa Hunyo 2022 at malamang na mapunta na naman sa kangkungan ito unless gawing priority measure ng Senado at Kamara.

Natatandaan ko pa noong 11th Congress kung saan apat na senador ang naging Senate President sa loob ng maikling tatlong taon. Naghain ng kahintulad na panukala si Senador Renato “Compañero” Cayetano. Tinalakay ito ng Senate committee on justice and human rights na pinamumunuan ni Cayetano at ng committee on trade and industry na hawak naman noon ni Senador Ramon Magsaysay Jr.

Sa kanilang committee report, illegal daw ang pangongolekta ng parking fees ng mga establisiyimento. Hinikayat pa nila ang gobyerno na ipatupad ang penal sanctions ng paglabag sa National Building Code.

Inatasan pa ng joint committee ang Solicitor General na pag-aralan kung paano makukuha ng mga car owner ang refund mula sa pagbabayad ng parking fee sa mga establisiyimento. Wala na akong nabalitaan sa kinahinatnan ng panukalang batas.

Kaya noong inaprobahan ng Kamara ang HB 7725, doon ko lang naalala ang sinapit ng panukalang batas na pinaglaban nina Senador Cayetano at Magsaysay.

Marami pang makabuluhang panukalang batas ang ganito rin ang naging kapalaran. Kaya marami sa ating mga senador o congressman, nagre-recycle ng mga inihahaing panukalang batas sa pag-asang makakapasa rin ito. Kumbaga, kapag may tiyaga, may nilaga.

Ang masaklap lang, may ilang mambabatas ang nangongopya ng orihinal na panukalang batas ng isang mambabatas para maipagyabang sa publiko na marami silang isinampang bills and resolutions. Itanong n’yo pa kay Norie Mercado ng Pimro.

Leave A Reply

Your email address will not be published.