Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Damay-damay sa kapalpakan ng iilan

0 134

Malungkot para sa mga negosyante ng paputok ang desisyon ng gobyernong Duterte na tuluyan nang ipagbawal ang paputok epektibo sa susunod na taon.

Sabagay sa dami ng pinsalang idinudulot ng pagpapaputok, panahon na para ito ipagbawal.

Kung naging maagap lang sana ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng polisiya at paglipol sa mga iligal na pagawaan ng paputok ay hindi sana umabot sa ganitong desisyon ang gobyerno.

Kaya nalulungkot tayo na dahil sa kagagawan ng ilang iligal na negosyante ay nadadamay ang buong sector.

Oo nga‘t sa susunod na taon pa ito planong ipagbawal ng pamahalaang Duterte ay ramdam na ng mga negosyante ng paputok ang paghina ng kanilang negosyo.

Naging agresibo kasi ang mga politiko sa Metro Manila dahil nauna na silang nagdeklara ng pagbabawal magpaputok at ipinatupad ito ngayong holiday season.

Kaya’t maraming negosyante ang umaray at ginulat sa biglaang desisyon ng Metro Manila mayors dahil tumumal ang bentahan ng kanilang paninda.

Sa paggunita natin ng Pasko, mukhang nagtagumpay ang Metro Mayors dahil wala tayo ng narinig na mga nagpaputok. Matahimik na naipagdiwang ng mga taga-Metro Manila ang Pasko.

Ang hindi lang kinakayang gawin ng Metro Mayor ay ang pagbawalan ang mga menor de edad na nagpapakalat-kalat sa kalsada at sa mga bahay-bahay na tuloy pa rin sa pamamasko sa kabila ng paulit-ulit na pagbabawal ng pamahalaan.

Pero sa dami ng pasaway nating mga kababayan hindi naman talaga kakayanin ng pamahalaan ng bantayan ang lahat ng ito.

Sa puntong ito dapat namang kumilos ang mga magulang, bantayan ang inyong mga anak at huwag hayaang lumabas dahil nananatiling mapanganib ang ating kapaligiran dulot ng virus.

SM food to go Banner Ad

Maging ang mga barangay ay magtrabaho rin naman dapat, dahil hindi kakayanin ng ating kapulisan ang pagbabantay sa mga pakalat-kalat na menor de edad ngayong panahon.

***

Ilang araw na lamang ay matatapos na ang 2020.

Minamadaling lumipas na ang taong ito na naghatid hindi lang sa Pilipinas ng napakaraming pagsubok.

Sa katunayan sa mismong araw ng Pasko ay niyanig ng 6.3 magnitude quake ang Batangas kaya’t marami tayong kababayang nagdiwang ng Pasko sa nasabing lalawigan ang nawindang.

Mabuti nalang at walang matinding pinsala itong iniwan sa mga apektadong lugar.

Sana nga ay huli na ang nasabing trahedya at isang masaya, ligtas at punung-puno ng pag-asang 2021 ang sumalubong sa Pilipinas at sa buong mundo.

***

Bagama’t punum-puno ng pagsubok ang 2020 nanatiling matatag ang pamunuan ng Abante at Tonite. Naitawid ang lahat ng hamon sa pamumuno ng aming mga boss na sina President Rey Marfil at General Manager Gil Cabacungan.

Hindi lang ‘yan dahil kahit pandemya ay idinaos ng kompanya ang taunang Christmas party ng mga empleyado sa ilalim ng new normal. Nagpa-raffle ng mga appliances, groceries, GCs at siyempre sangkatutak na cash prize na ini-live sa Facebook page ng Abante Radyo Tabloidista para masaksihan ng lahat ng empleyado at mga followers ng Abante.

Ang pinakamagandang nangyari sa aming virtual Christmas party ay walang luhaan dahil lahat ng empleyado ay nanalo.

Sa muli Maligayang Pasko sa ating lahat.

Leave A Reply

Your email address will not be published.