Abante Tonite Interactive

Damayan pagkatapos ng kasiyahan

8

Tapos na ang Pasko at tiyak naming marami ang natuwa, nasiyahan dahil sa tinanggap na mga regalo na katuparan ng kanilang Christmas wish lalo na sa mga bata.

Pero ang nakakalungkot kasabay ng ating pagsasaya at paggunita natin sa kapanganakan ni Hesus ay may daan-daang pamilya tayong mga kababayan ang inilikas ng tirahan bunsod ng pananalasa ng bagyong Nina.

Kaya naman habang may mga bahagi ng ating bansa ang sobrang ini-enjoy ang Pasko ay marami ang hindi lubos na makapagsaya dahil sa pag-alala sa kanilang kaligtasan.

Sabagay nga naman sa pagtataya ng international agencies ay ikinaklasipika nila si Nina bilang isang super typhoon kaya napakahirap maging relaks.

Dahil hindi kaila sa ating lahat ang matindi pinsalang iniiwan ng mga nagdaang bagyo sa ating bansa, napakahalaga talagang maging preparado tayo sa ganitong sitwasyon upang masiguro ang kaligtasan nating lahat.

Lagi nating pakatatandaan na anumang bangis ng bagyo ay makaliligtas tayong lahat basta’t pairalin ang pagiging kalmado at higit sa lahat ay pagiging preparado.

Sa mga kababayan nating hindi naman tatamaan ng bagyong Nina, mahalagang ipamalas ang ating pakikiramay sa mga kababayan nating babayuhin ng bagyo.

Ang pakikiramay ay magagawa natin sa maraming paraan, tulad ng pag-aalay ng dasal para sa kaligtasan ng mga kababa­yan nating tatamaan ng bagyo ang mga tirahan.

Maaari rin ang pagbabahagi ng anumang tulong kagaya ng pagbibigay ng kanilang pangunahing mga pangangailangan tulad ng pagkain, kasuotan at iba pang bagay na mahalaga sa isang napinsala ng bagyo.