Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dambana ni Tata Usteng

0 133

Hindi lang sa Tanza, Cavite tanyag si San Agustin o mas kilala sa tawag na ‘Tata Usteng’. Ang debosyon sa mahal na patron, umaabot sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Katunayan, maraming deboto ang umuuwi mula sa ibang bansa para makilahok sa taunang pagdiriwang. Pero dahil sa pandemya, nabago ang selebrasyon. Halos lahat ng aktibidad, ginagawa na lang via online.

Dahil malapit sa puso ng mga taga-Tanza si Tata Usteng, gustong matiyak ng pamunuan ng Diocesan Shrine of San Agustin na mananatiling matatag ang simbahan.

Taong 1780 itinayo ang simbahan ng Sta. Cruz o kilala ngayong Diocesan Shrine of San Agustin. Hinubog nito ang masidhing pananampalataya ng mga Tanzeño. Saksi rin ang naturang simbahan sa ilang makasaysayang pangyayari sa ating bansa gaya ng panunumpa noon ng unang Pangulo ng Republika na si Heneral Emilio Aguinaldo.

Pero makalipas ang mahigit dalawang daang taon, ang simbahan, unti-unting bumibigay. Ibig sabihin, malaking bahagi ng istruktura nito ang mahuna na at malapit nang magiba.

Kaya naman sa pangunguna ng kura paroko ng simbahan na si Rev. Fr. Virgilio Mendoza, sinimulan na ang renovation sa simbahan. Nangyari ito isang buwan bago ang Kapistahan ni Tata Usteng.

Nakatataba nang puso na personal kong nasaksihan ang paglagda sa pledge of commitment ng iba’t ibang sektor sa lipunan na hudyat ng pagsisimula ng renovation ng Diocesan Shrine of San Agustin. Ako ang naimbitahang mag-host ng naturang launching.

Nilagdaan ito nina Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista, Shrine Rector Rev. Fr. Virgilio Mendoza, Mayor Yuri Pacumio, at ni architect Roy de Guzman ng RDG Ecclesiastical Architecture.

Saksi rin sa makasaysayang paglagda ang iba pang lokal na opisyal, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, ilang negosyante at ilang paring anak ng Tanza.

Ang RDG Ecclesiastical Architecture na dalubhasa sa liturgical designs ang naatasang magsagawa ng renovation.

Lahat ng bahagi ng simbahan, iaayos. Mula sa main altar o sanctuary, altar ng Sta. Cruz, ni San Agustin, puwesto ng Choir, at sacristy. Talagang binusisi ang bawat detalye.

Aabot nang P100M ang pondong kakailanganin para matapos ang proyektong ito. Kaya panawagan ng simbahan, donasyon mula sa bukal na puso ng mga taga-Tanza.

Ayon kay Bishop Reynaldo Evangelista, “Walang imposible sa Diyos. Ito po ay mare-realize kung magtutulong tulong tayo. Ito po ang susi. Sa Diyos nagmumula ang lahat ng biyaya, lahat ng pagpapala.”

Kung sapat lang ang pondo, kakayanin daw itong matapos sa loob ng dalawang taon. Nanindigan naman ang LGU Tanza na kaisa ng simbahan ang lokal na pamahalaan sa hangarin nitong maisaayos ang Dambana ni Tata Usteng na maituturing na ring isang cultural heritage site.

Ayon kay Mayor Yuri Pacumio, “Malaki ang proyekto natin. Kinakailangan ang bawat isa ay mangalap pa ng mga tutulong. Mahaba-haba pa ang tatrabahuhin at kaisa po ang lokal na pamahalaan sa proyektong ito.”

Sa mga nais magpaabot ng cash donations, puwedeng makipag-ugnayan sa simbahan ng Tanza o di kaya’y direktang mag-deposit sa BPI Account name: Diocese of Imus Sta. Cruz Parish Church, Account number: 8653-0778-83. (with reports from Jhan Ferdie Llagas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.