Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dambuhalang kasinungalingan

0 133

Pinamalas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address ang kanyang husay sa pamamaraang pampropaganda na tinaguriang “the big lie” (“ang dambuhalang kasinungalingan”): ulit-ulitin mo lang ang isang dambuhalang kasinungalingan; hindi magtatagal at paniniwalaan ka ng mga tao.

Si Hitler at mga Nazi umano ang mga dalubhasa sa ganitong teknik: pinalaganap nila ang kasinungalingan na natalo ang Alemanya sa World War I dahil sa kataksilan ng mga Hudyo, na siyang ginawang batayan para sa pagpapatupad ng Holocaust. Sa US, pinalaganap ni Donald Trump ang kasinungalingan na ninakaw ni Biden ang eleksyon, na nagtulak sa kanyang mga tagasuporta na salakayin ang Capitol building sa Washington, D.C. Sa Pilipinas, nilako ni Marcos ang kuwento ng sabwatan ng mga komunista at oposisyon upang ipangatwiran ang deklarasyon ng Martial Law.

Tandaan, nakasalalay sa pag-ulit-ulit, sa walang humpay na pagpapalaganap sa lahat ng pagkakataon, ang bisa ng teknik ng dambuhalang kasinungalingan. Kaya hindi pinalampas ni Duterte ang pagkakataon ng kanyang huling SONA upang patugtugin muli ang “greatest hits” ng kanyang mga dambuhalang kasinungalingan upang pagtakpan ang kanyang mga pinakamalaking kasalanan sa bayan.

SM food to go Banner Ad

Isang halimbawa nito ang kanyang pagpapasara sa ABS-CBN. Wastong ituring ito bilang pinakamasahol na atake sa malayang pahayagan mula ng isara ni Marcos ang mass media noong 1972. Ang dambuhalang kasinungalingan: pinasara daw niya dahil hindi nagbabayad ng buwis: “They are cheating government by the billions in taxes. …Kaya ko sila inaway.” Hindi mahalaga sa kanya ang katotohanan: na Bureau of Internal Revenue mismo ang nagdeklarang walang utang na buwis ang ABS-CBN at hindi 40 ektarya ang sukat ng lupa na kinatatayuan ng braodcasting complex nito sa Quezon City. Susi sa tagumpay ng dambuhalang kasinungalingan bilang teknik pampropaganda ang kontrol sa mga daluyan ng komunikasyon sa madla. Sa kaso ng mga Nazi sa Alemanya at ni Marcos noong panahon ng Martial Law, hawak ng gubyerno ang mass media. Sa kaso ni Duterte, sinusupil ang mass media (bukod sa pagsara sa ABS-CBN, tinatakot ang Inquirer, Rappler, alternative media tulad ng Bulatlat, atbp.) habang pinopondohan ng kanyang administrasyon ang isang malaganap na social media troll army.

Isa pang lumang awit na muling pinatugtog ni Duterte ang kanyang dambuhalang kasinungalingan na pantakip sa pagsuko niya sa China ng ating soberanong karapatan sa West Philippine Sea. “At ano ang gusto nila, makipag-giyera? “Do something.” What do something? Do you want war against China?” Pinakita ng ating mga kapitbahay na bansa, kabilang ang Vietnam at Indonesia, na hindi hahantong sa gera ang militanteng pagtaboy sa presensya ng mga barkong Tsino sa kanilang karagatan. Ngunit sa pag-uulit-ulit, marami pa ring napaniniwala.

Isa sa maraming dapat pagpasalamatan natin sa makasaysayang tagumpay ni Hidilyn Diaz bilang kauna-unahang gold medal winner ng bansa sa Olympics: tinabunan ng kanyang istorya ang mga kasinungalingan ng huling SONA ni Duterte.

Leave A Reply

Your email address will not be published.