Abante Tonite Interactive

Dancer timbog sa P3M marijuana

546

Higit P3 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad

nang masakote sa buy-bust operation kamakalawa nang gabi ang isang lalaking dancer na numero unong tulak umano ng droga sa Bacoor City, Cavite.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na si Daniel Mendoza, binata at nakatira sa Camella Springville East 2, Brgy. Molino 4, Bacoor City.

Sa ulat ni PM/Sgt. Christian Rosales ng Bacoor City Police, dakong alas-7:50 kamakalawa ng gabi nang ikasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lugar ng suspek kung saan nakabili sa kanya ang nagpanggap na buyer ng droga ng isang sachet ng pinatuyong marijuana.

Sa pagkakaaresto sa suspek, nakuha rin sa kanyang pag-iingat ang mahigit 446 gramo ng mga pinatuyong marijuana na nagkakahalaga ng P3,032,800.00 at nabawi rin ang buy-bust money.

Ayon sa pulisya, ang suspek ay kilalang tulak at No. 1 na nagpapakalat ng marijuana sa buong lungsod ng Bacoor.

Kasama rin umano ang pangalan nito sa drug watch list at newly identified street level target. (Gene Adsuara)