Abante Tonite Interactive

Daniel-Maine mahihirapang talunin ang KathDen

494

Ni Ronaline Avecilla

Pumatok sa madlang netizen ang tambalang Kathryn Bernardo at Alden Richards. Kaya naman may plano rin na pagsamahin sa iisang pelikula sina Maine Mendoza at Daniel Padilla.

Palit-pares lang ang peg sa pelikula ngayon. Siyempre, kung pumatok nga naman ang “Hello, Love, Goodbye” ng KathDen, baka bumenta rin sa madlang viewers kung sakaling susugalang pagsamahin sina Maine at Daniel.

Plano rin naman ito ng mega producer na si Joed Serrano. Willing siyang makipagsosyo sa Star Cinema at APT Productions kung maisasakatuparan ang naturang proyekto.

Trip niya talaga na sina Maine at Daniel naman ang bibida.

Ipinapanalangin ni Joed na sana ay magkaroon siya ng oportunidad na makabuo ng pelikula para sa dalawa.

Si Serrano ang isa sa nagprodyus ng “Celine Dion concert” sa ‘Pinas. Siya rin ang producer ngayong gabi (October 3) ng concert ni Gloria Gaynor sa Ballroom ng Okada. Kilala si Gaynor sa kanyang popular na awitin na “Can’t Take My Eyes Off You”, “I Will Survive”, “I Am What I Am” at “Never Can Say Goodbye”.

Nag-reak naman ang mga netizen sa ideyang posibleng magtambal ang dalawang big star. Halo-halo ang opinyon ng mga netizen. May nagsasabi na hindi umano isusugal ng Star Cinema ang career ni Daniel gayong mahihirapan itong talunin ang tagumpay na nakamit nina Kathryn at Alden sa “Hello, Love, Goodbye”.

Pero kung sakali man na matuloy ito, sang-ayon naman si Kathryn na itambal ang kanyang boyfriend kay Maine.