Abante Tonite Interactive

Dapat bang ibasura ang VFA?

554

Mismong si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay nagulat sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) matapos makumpirma na kinansela na ang kanyang US visa.

Pero sabi ni Dela Rosa, baka may ibang hugot pa ang Pangulo kahit sinasabi ng marami na mababaw raw ang dahilan para isakripisyo ang naturang kasunduan.

Tanong naman ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, nasaan ang koneksyon ng visa cancellation ni Dela Rosa sa VFA?

Paliwanag ni Lacson, ang US visa ay conditional authorization na ibinibigay sa mga dayuhan. Puwede itong kanselahin nang walang paliwanag.

Giit naman ni Senador Imee Marcos, kung may dapat mang ibasura, hindi ang VFA kundi ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sabi ni Marcos, napapaikutan ng Amerika ang Pilipinas sa EDCA sa pamamagitan ng matagal na pananatili ng mga US troop at kanilang mga kagamitan kahit ipinagbabawal na sa ating Saligang Batas ang foreign bases.

Ipinaalala ni Marcos na nagamit ng Pilipinas ang bisa ng VFA kaya nadeteni sa bansa at umusad ang kaso laban kina Daniel Smith, Joseph Scott Pemberton at iba pa na nasangkot sa kaso habang nasa Pilipinas.

Malinaw na hindi na kailangang hingin ang pahintulot ng Senado kung ibabasura ni Pa­ngulong Duterte ang VFA.

Ayon kay Senador Aquiilino ‘Koko’ Pimentel III, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, may papel lang ang Senado kung pagtitibayin ang kasunduan pero kung ito’y ipapawalang-bisa ay nasa hurisdiksiyon na ng Pangulo.

Pero magpapatawag ng pagdinig si Pimentel para alamin sa Department of Foreign Affairs at Department of Justice ang epekto sakaling tuluyang ibasura ang VFA.

Ano ba ang dapat masunod? Ang pagmamaktol ng Pangulo o ang pangkalahatang kapa­kanan ng bansa sa natu­rang kasunduan?

Sa gagawing pagsusuri ng Senado sa VFA, dapat linawin ang foreign policy ng gobyerno.

Sa inisyal kasi na reaksiyon ng mga ordinar­yong Pinoy, ok lang na umiral ang pagmamaktol kung may kakayahan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagtanggol ang ating bansa sa external forces.

Sa kabilang banda, malakas din naman ang mensaheng ipinarating ni Pangulong Duterte dahil pinatunayan nito na hindi papayag ang kanyang administrasyon sa mga hindi patas na patakaran ng Estados Unidos.

Sa proseso, sinabi ni Pimentel na 180 araw bago maging epektibo ang abiso para sa kanselasyon ng kasunduan.

Baka naman bago dumating ang palugit na 180 araw, magbago ng desisyon at mapaliwanagan si Pangulong Duterte.

Kaabang-abang din kung ano ang reaksiyon ng US government.