Abante Tonite Interactive

Dapat ma-dismiss muna ang kaso bago magkontra-demanda

By
146

Dear Atty. Claire,
Magandang hapon sa inyo. Ako ay masungid n’yong tagasubaybay ng inyong column. Hihingi sana ako ng payo tungkol po sa aking pamangkin. Noong August ay hinuli po siya ng pulis kasi itinuro po siya ng pamangkin ko din na nakita daw niya na tumalon sa bakod ng aming kapitbahay. Noong araw na ‘yun po ay nanakawan daw po ‘yung kapitbahay namin.

Pilit na pinaaamin ng pulis ang pamangkin ko sa nakawan na hindi naman niya ginawa. Perwisyong ginawa nila sa pamilya ko, binalita pa sa radyo at isinulat pa sa dyaryo.

Sobrang kahihiyan ginawa nila. Tanong ko lang po ay kung puwede po kaming mag-kontra demanda doon sa nagturo sa pamangkin ko at pati na doon sa pulis at sa may-ari ng bahay ng nanakawan daw. Ano puwedeng ikaso sa kanila? Ayon sa affidavit ng testigo na nakita niya lang tumalon sa bakod ang pamangkin at hindi naman po niya nakita sa loob mismo ng bahay na nagnanakaw.

Magkano po ba abutin? Gusto ko lang po na mabigyan ng hustiya sa ginawang pagpapahiya sa pamangkin ko.

Gumagalang,
Pepito

Sir Pepito,
Mahirap po talaga ang napagbibintangan sa kasalanang hindi mo naman ginagawa. Marami rin naman, ngunit ‘di ko nilalahat, ang mga abusadong pulis na walang alam gawin kundi magpaamin ng kasalanan nang hindi nag-iim­bestiga nang mabuti.

Mas mainam po na ayusin muna ang kasong naisampa sa kanya at patunayan na hindi siya ang nagnakaw sa kapitbahay. Dapat ninyong itanong muna kung totoong may naging nakawan, ano-ano ang nanakaw at ipalabas ang ebidensya na nagmamay-ari talaga siya ng mga bagay na nawawala, tulad ng resi­bo, etc. Dapat munang ma-dismiss ang kaso na isinampa sa iyo bago kayo makapagdemanda sa mga gumagawa ng kuwento laban sa ­pamangkin mo.

Ngunit du’n sa nagsabi na nakita niyang tu­malon ang pamangkin mo pero hindi naman niya sinabi na nakita niyang nagnakaw ito – malamang ay wala kang maging kaso sa kanya maliban lamang kung mapapatunayan ninyo na gumagawa lamang siya ng kuwento kung saan puwede siyang masampahan ng Perjury.

Sa nagsampa naman ng kaso laban sa pamangkin mo ay dapat mo munang patunayan na wala siyang kasalanan at gawa-gawa lang din ang bintang upang makasuhan ninyo siya ng Perjury at ­incrimnatory machination plus damages. Ngunit tandaan ninyo na may karapatan siya na magdemanda ayon sa mga records at sa testimonya ng mga saksi.

Tungkol naman sa ginawa ng pulis na nanggigipit at namumuwersa sa pagpapaamin sa pamangkin mo ay maaari mo namang kasuhan ng Administrative case na Grave Abuse of Authority na may kasamang prayer for suspension o dismissal sa PLEB o NAPOLCOM.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.