Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dapat mahinto! Lopez binira NCAP

0 191

Kukuwestyunin sa korte ni Manila mayoralty candidate Alex Lopez ang legalidad ng ipinatutupad na No Contact Apprehension Program (NCAP) sa lungsod at iba pang lugar sa Metro Manila.

Ipinatutupad ang NCAP sa bisa ng joint venture agreement sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at Qpax Traffic Systems, Inc., isang pribadong kompanya na pinamumunuan ni Manolo Steven Ona.

Ayon kay Lopez, dapat mahinto ang programa dahil hindi ito makatao lalo sa mga mahihirap na driver o operator na kulang pa ang mga kinikita para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Bilang isang abogado, idiniin ni Lopez na napagkakaitan nito ng due process hindi lang ang mahuhuli umanong violator ng mga batas-trapiko kundi pati ang operator o may-ari ng mahuhuling sasakyan.

Sa NOV ay may summons ng nakalagay na inaatasan ang may-ari o driver na dumalo sa isang summary hearing ng traffic adjudication board ng LGU para magpaliwanag ang nabigyan ng notice.

Gayunman, wala umanong nakalagay na ganito sa ilang LGU at nakasaad lang sa notice na iaalarma ang sasakyan pag hindi nabayaran ang multa.

“Wala kang pagkakataon na magpaliwanag eh. Magpapadala ng Notice of Violation sa may-ari ng sasakyan, pag hindi nakapagbayad dahil walang extra na pera at hindi naman alam ng may-ari ng sasakyan na may nalabag pala siya, malalagay na ang plaka niya sa alarm list. Nahihirapang makapag-renew ng lisensya ang mga may-ari ng sasakyan dahil naka-block pala sila sa Land Transportation Office (LTO) ng hindi nila alam. Sa Amerika, bibigyan ka ng oras na magpaliwanag sa korte, hindi ka basta-basta parurusahan,” ani Lopez.

Giit pa ni Lopez, kwestyonable ang pagpapatupad ng NCAP dahil hindi nabanggit sa Republic Act No. 4163 o ‘Land Transportation and Traffic Code’ ang ganitong uri ng programa para maisaayos ang daloy ng trapiko.

Tiniyak naman ni Lopez na kahit abala siya sa kanyang kampanya ay may kausap na umano siyang mga kapwa niya abogado para ihanda ang isasampang reklamo laban sa pagpapatupad ng NCAP, lalo sa Maynila.

Sa kanyang pakikipag-usap sa iba’t-ibang sektor sa lungsod, naisumbong umano sa kanya ng ilang residente gayundin ng mga driver at operator ang hirap at abala sa kanila ng NCAP.

Sa ilalim ng NCAP ng Qpax Traffic Systems, Inc., ipatutupad ng mga local government unit (LGU) ang batas trapiko sa tulong ng mga Traffic Enforcement Cameras (TEC) na nakakalat sa ilang lugar sa lungsod.

Pag nasapul sila ng camera, makatatanggap ang rehistradong may-ari ng Notice of Violation at nakasaad dito ang uri ng kanilang violation at ang lugar at oras kung kailan ito nagawa na may kalakip na larawan. Kasama rin ang online link kung saan maaaring mapanood ang video ng paglabag.

Gamit ang sistema ng Motor Vehicle Registration System (MVRAS) database ng LTO, malalaman ang impormasyon ng mahuhuling sasakyan. Ia-alarma ito sa LTO at hindi makapagre-renew ng rehistro ang may-ari hangga’t hindi nakakapagbayad.

Samantala, iginiit ni Lopez na bagamat maganda ang layunin ng programa para sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko, hindi naman aniya ito applicable sa ilang usapin.

Aniya, kailangan pa rin ang presensya ng mga pulis sa mga kalsada partikular kapag may nangyayaring mga aksidente.

Lusot din umano sa NCAP ang mga pasaway na walang plaka ang mga sasakyan.

“Paano nila yan mapaparusahan? Yung iba, pending ang plaka sa LTO kaya for registration pa ang nakalagay, paano nila yan madidisiplina? ani Lopez.

Nauna nang binatikos ng grupong ‘Stop NCAP Coalition na binubuo ng transport leaders, truck operators at drivers ang programa dahil sa pahirap nito sa kanila.

Sinabi ni Angel Padua ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) Nationwide na dapat ihinto ang programa dahil inaprubahan ng konseho ng mga LGU ang kanilang mga ordinansa ng walang public consultation sa kanilang sektor.

Ipinapasa rin umano sa operator ang kasalanan ng driver na siyang lumabag sa programa.

Sobrang pahirap rin aniya ang mga multa na P1,000 para sa unang paglabag; P3,000 sa ikalawa at P5,000 sa ikatlong paglabag.

May patong pa umanong 5% na buwanang interes kapag hindi nabarayan ng operator o may-ari ang tiket tatlo hanggang apat na buwan matapos itong ipadala sa kanila.

Iginiit ni Padua na bad timing din ang NCAP dahil maliit lang ang kanilang kita ngayong pandemya.

Bukod sa Maynila, ipinatutupad na rin ang NCAP sa Quezon City, Valenzuela at Paranaque. Nakatakda naman umanong sumunod ang Taguig at Muntinlupa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.