Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dapat may magsakripisyo

0 89

Noong Sabado, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtatambal sa 2022 presidential at vice presidential elections ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go. Sinabi ito ng Pangulo matapos maghain ng certificate of candidacy sa vice presidency si Go.

Nakabibinging ‘no comment’ lamang ang sagot ni Mayor Sara tungkol dito. Ayaw sumakay sa pahayag ng kanyang ama kaya nabuhay ang matagal nang tsismis na may tinatagong galit ang mayora laban sa senador. Pati na si Davao City Vice Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte, sinabing milagro na lang kung magbago pa ang desisyon ng kapatid na tumakbo na lamang ng reeleksyon.

Si Mayor Sara ay anak nina Pangulong Duterte at Elizabeth Zimmerman. Kapatid ni mayora sina Davao City Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte at Baste. Umabot ng 25 taon ang pagsasama ng mga magulang ni Sara hanggang sa maghiwalay noong 1998. Inamin na ni Digong sa publiko na nahuli siya ng kanyang asawa na may ibang babae kaya siya hiniwalayan.

Ang kinaiinisan daw ni Sara, alam ni Go ang pambabae ni Duterte dahil matagal itong nagsilbing aide ng Pangulo mula noong alkalde pa lamang ito ng Davao City.

Noong maupo namang alkalde ng Davao si Sara, nilinis nito ang Davao City Hall at tinanggal ang mga nakapuwestong opisyal na konektado sa kanyang ama at kay Go.

Naiipit tuloy ngayon si Pangulong Duterte sa pagitan nina Sara at Bong Go. Nais ng Pangulo na tumakbong presidente ang kanyang anak pero itinutulak namang bise presidente ang dating aide. Umatras na rin si Digong sa pagtakbong bise presidente para masunod ang kondisyon ni Sara na isang Duterte lamang ang tatakbo sa darating na halalan, pero wala pa ring tugon ang kanyang anak.

Isa lang ang nakikitang paraan ng mga supporter ni Sara para mahikayat itong tumakbong presidente, ito ay ang pag-stop sa kandidatura ni Go. Mukha kasing saling-pusa lamang ang senador at kakain lang ng alikabok kay Senate President Vicente Sotto III na siyang nanguna sa survey ng Pulse Asia noong Setyembre.

Alam naman siguro ng senador ang sitwasyon. Matalino siya at alam niya ang dilemma ng kanyang boss na si Pangulong Duterte.

Kung aatras si Go sa pagtakbo bilang bise presidente sa darating na halalan, hindi na mahihirapan si Sara na magdesisyon na tumakbong presidente ng bansa. Makakatanggap pa ang senador ng papuri dahil sa pagsasakripisyo alang-alang sa mga Duterte.

Mababawasan din ang dinadalang problema ni Pangulong Duterte lalo pa at pinaghahandaan na niya ang pagreretiro sa public service next year.

Leave A Reply

Your email address will not be published.