Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dapat seryosohin ang babala ni Digong

0 178

Nakakabahala ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na nag-aabang na ang mga drug lord sa pagbaba niya sa puwesto sa Hunyo 30. Nakatanggap kasi ng intel report ng Pangulo na ilang drug lord at narco politicians ang bumubuwelo na sa pagbabalik operasyon.

Kaya naman, kinalampag ni Duterte ang Philippine National Police (PNP) na huwag mag-lie low sa operasyon kontra droga dahil lamang sa malapit na siyang bumaba sa puwesto.

“I’d like to go public: si Parojinog pati ‘yang mga Kuratong Baleleng na ‘yan, they are trying to resurrect the industry. So huwag kayong magdalawang-isip,” bilin ng Pangulo sa mga opisyal ng PNP.

Mukhang may pinatatamaan ang Pangulo. Hindi pa kasi nakakapanumpa sa puwesto si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., may mga pulis daw kasing umaastang ‘untouchable’ sa susunod na administrasyon. Sinasabing ang mga pulis na ito ay may kinalaman din sa Kuratong Baleleng gang.

Huwag naman sanang gamitin ng mga pulis na ito ang kanilang tsapa para ipangalandakang may kapit sila sa susunod na Presidente upang manakot at maghariharian sa isang rehiyon sa Mindanao. Sana ay hindi rin ito palampasin ng incoming administration.

Ang Kuratong Baleleng gang ay dating namayagpag sa Misamis Occidental at mga lungsod sa loob ng lalawigang ito. Noong maupo sa puwesto si Pangulong Duterte, pinilayan niya ang grupong ito hanggang sa bumagsak.

Related Posts

Tabako

Ngayong malapit nang mawala sa puwesto si Digong, unti-unti nang pumoporma ang grupo. Kalat na rin na may pulis na sinasabing pinuno ng tinatawag na “Kuratong Cops” ng probinsya na mga galamay ng Kuratong Baleleng.

Nakakatakot daw ngayon sa Misamis Occidental lalo na kung papalag ka sa nasabing grupo. Kaya naman, pinaniniwalaan na may mga politikong naging kaalyado ng Kuratong noong nakaraang halalan.

Isa sa politikong naging biktima ng karahasan noong nakaraang halalan ay si Lopez-Jaena Mayor, at kandidato sa pagka-bise gobernador ng Misamis Occidental, na si Michael Gutierrez. Siya ay pinatumba ng isang sniper sa kanilang Christmas Party noong Disyembre 2021 sa Tangub City. Hinihinala rin na hindi raw siya ang tunay na target, kundi si dating Deputy Speaker Henry Oaminal, na dumalo rin sa Christmas Party na iyon.

Si Oaminal ang isa sa mga opisyal na naging balakid sa Kuratong Baleleng dahil sinunod niya ang mandato ni Presidente Rodrigo Duterte na sugpuin ang kriminalidad at iligal na droga sa lalawigan.

Gaano kaya katotoo na ang pulis na ito ay malakas sa dating PNP chief at hindi masibak kahit na may isyung isinasangkot ito sa payola?

President-elect BBM! Mukhang magiging sakit ito sa ulo ng bagong administrasyon mo kapag naibalik sa matataas na pwesto sa kapulisan ang mga Kuratong Cops. Sana ay harangin mo ang pagbabalik sa puwesto ng mga ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.