Abante Tonite Interactive

Daquioag, RoS nilubog sa 0-2 ang Magnolia

322

TULOY ANG RAGASA

Inunti-unti ng Rain or Shine ang pagpapaamo sa Magnolia Hotshots, 93-80, sa Game Two ng 2019 PBA Philippine Cup semifinals, Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Dahil sa panalo, nakalapit sa finals ang ROS, hinawakan ang 2-0 advantage sa best-of-seven semis kontra sa naghihikahos na Magnolia na ngayo’y kakailanganing makaresbak para hindi tuluyang magdusa sa semifinals.

Naging balikan ang scoring sa first canto, parehong nagsukatan ang dalawa para tumapos sa 19-18 scoring, lamang ang Elasto Painters.

Ngunit pagpasok ng ikalawang yugto ay nagsimula nang u­malagwa ang Elasto Painters, anim na tres ang ibinuhos sa pangunguna ni Rey Nambatac, umabot pa sa 15 ang kalamangan ngunit naibaba sa siyam, 50-41 papasok sa halftime.
Sa third quarter, sinimulan ni Ed Daquioag ang paghahari, walong puntos ang tinuhog para sa 12-point lead at hindi na nakabangon pa ang Pambansang Manok.

Umabot pa sa 25 puntos ang alagwa ng E-Painters, walang naging sagot ang Magnolia sa firepower ng bataan ni Caloy Garcia, 16 tres ang naikonekta sa buong laro.

Sumungkit si Daquioag ng 19 points, tigtatlong rebounds at assists para pamunuan ang atake ng RoS. Dumagdag si Norbert Torres ng 16 points, perfect 4-of-4 sa rainbow country. (Ray Mark Patriarca)