Abante Tonite Interactive

DAR secretary patatalsikin ng mga empleyado

By
2,957

Nagkagulo at nagkagirian ang mga emple­yado at miyembro ng Department of Agra­rian Reform Employees Association (DAREA) makaraang harangin ng mga guwardiya na makapasok sa gusali ng ahensiya.

Ayon kay Nanette Pascual, pangulo ng DAREA, kahapon ng tanghali ay nagtungo siya sa DAR upang tapusin ang isusumite niyang promosyon ng may 700 empleyado na nasa rank and file.
Aniya, 500 pa lamang na empleyado ang kanyang natatapos at gagawin pa sana niya ang karagdagang 200 subalit nagulat na lamang siya nang hindi siya papasukin ng mga guwardiya sa gusali.

Sinabi ni Pascual, na nanawagan na sila sa Commission on Appointment (CA) na huwag i-confirm si DAR Secretary John Castriciones, dahil sa kabagalan sa pag-aksiyon sa appointment ng mga rank and files para sa promosyon.

Nagulat na lamang umano si Pascual na nitong Linggo ay bigla na lamang silang hinarang at hinahanapan na ng guwardiya ng ‘autho­rity to render overtime’ at iba pang kung ano-anong dokumento bago papasukin sa gusali ng DAR.

“Dati naman kaming pumapasok ‘pag Sabado at Linggo, ngayon lang nangyari ito. Pati ang mga magsasaka hinaharang na nila. Bakit terorista ba kami?! May napatay na ba kami?!”
Nakatakda ring magsagawa ngayong araw ng Lunes ng kilos-protesta ang DAREA para hilingin ang pagpapatalsik kay Castriciones.

Si Castriociones ay isa sa hindi nakalusot sa CA noong Marso matapos na kuwestiyunin nina Senador Risa Hontiveros at Davao Oriental Rep. Joel Mayo Almario ang track record ng kalihim, ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri.

Si Castriciones ay dating executive vice president ng Mayor Rodrigo Roa Duterte (MRRD) group, isang volunteer organization. Nang manalo si Duterte noong 2016 presidential elections, itinalaga itong Undersecretary ng Department of Interior and Local Government (DILG) subalit inireklamo ng mga empleyado, kaya nalipat sa DAR.