Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dar tinambakan ng kaso sa food import

0 376

Sinampahan ng kaso ng isang grupo si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar sa Office of the Ombudsman dahil sa hindi umano nito ipinatupad ang quarantine first policy sa mga food import kahit pa may budget naman ang kanyang tanggapan.

Nabatid na kinasuhan ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) si Dar nitong Biyernes, Abril 23, sa Ombudsman dahil umano sa mga paglabag sa Food Safety Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sabi ng SINAG, may P2 bilyong pondo ang DA para magtayo ng mga pasilidad para sa quarantine ng mga food import at ang P500 milyon ay naibigay na sa kagawaran.

Paliwanag ng SINAG, nakasaad sa Food Safety Act na kailangang i-quarantine muna ang mga imported food product at inspeksyunin sa unang dadaungan bago ito papasukin sa bansa.

Ayon sa SINAG, inamin na mismo ni Dar ang hindi pagsunod sa quarantine first policy dahilan kung kaya’t kumalat ang African Swine Fever (ASF), avian flu at iba pang mga sakit na nakasisira sa ekonomiya.

Sabi ni SINAG chair Rosendo So, nanawagan na sila kay Dar na ipatupad ang quarantine first policy lalo na’t mayroon ng budget na P2 bilyon para magtayo ng mga first border inspection facility at P500 milyon ang ibinigay na sa DA.

Subalit hanggang ngayon aniya, wala pang kahit isang quarantine facility ang itinatayo kaya’t tuloy-tuloy lang ang pagkalat ng mga sakit tulad ng ASF at iba pa na banta sa agrikultura ng bansa.

Dahil sa hindi pagpapatupad ng quarantine first policy, nais ng SINAG na parusahan si Dar para sa neglect of duty o pagpapabaya, inefficiency and incompetence in the performance of official duties o kapalpakan sa trabaho, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Hiningi ng Abante Tonite ang panig ni Dar ngunit hindi ito nagbigay ng pahayag. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.