Abante Tonite Interactive

Dasal tayo

By
0 2,915

Malayo na ang par­king. ‘Di na ata sila nagpapapasok ng kotse. Naglakad na lang ako papasok ng compound. Sa dinaanan ko, marami pa ring mga vendor. Benta sila ng mga santo, ‘yung iba pagkain, ‘yung iba, kandila. Oo nga pala. Nasa simbahan ako.

May maliit na lugar na binigay para sa mga gustong magdasal pero ‘di magsisimba. Dun ako parati pumupunta. Isang araw na lang, bertday na kasi ng anak ko. Kaya siya talaga ‘yung ipinagdasal ko. Masayang buhay. Malusog na katawan. Ligtas sa anumang mga kapahamakan.

Umupo na ko sa makitid na bangko sa likod matapos makapagdasal. Nagmamasid lang. May tatlong babaeng sumunod na pumasok. Umuulan nun. Kaya lahat kami may paying ng tumapak sa simba­han. Lumuhod sila nang halos sabay-sabay. May pagitan lang para hindi magbanggaan ang kanilang mga siko… at makapagdasal siguro sila ng maayos.

Madaming deboto ang Birhen ng Manaoag. Dinarayo siya anumang panahon ng taon. Mahabang biyahe kung tutuusin mo dahil halos apat na oras papunta pa lang para makarating ka dun kung galing ka dito sa Cainta.

‘Yung lakad ko naman eh sinamantala ko na lang dahil galing ako sa Baguio. Nag-budget hearing kami ng tatlong araw. Naisip ko na ring dumaan para makapagpasa­lamat at makapagdasal dahil bertday nga ni Jacob kinabukasan.

Habang nakatitig ako sa likod ng tatlong babae na noo’y nakaluhod, bigla ako napaisip. Ano kaya ang dinadasal nila? Mabigat kaya ‘yung mga problema nila? Malungkot kaya sila kaya sila nandito? May bumabagabag kaya sa kanila?
Parang normal na naman sa ating lahat na meron tayong problema o kinatatakutan. Parang kadalasan, ‘yung ang mitsa ng pagkapit natin sa mas malakas sa atin. Para bigyan tayo ng lakas… at pag-asa.

Mahirap mabuhay na wala kang matatakbuhan. Masandalan. Baka nga ‘yung salita ng dasal at sandal, isa lang ang pinagkunan. Ibig sabihin… tao o anumang matatakbuhan, maasahang tutulong sa atin… o pakikinggan man lang tayo sa oras nawala na talaga tayong malapitan.

Makatapos ang ilang minuto, tumayo na ako… Bumili ng kandila para ipagdasal din ang mga taong maha­laga sa akin… at isang kandila, para sa bayan ko. Habang sinusulat ko ito, naisip ko rin kung bakit may kandila pag nagdadasal. Nakakadagdag siguro ng pagbilis ng biyahe para makarating agad ang mensahe. O bahagi ng pagsunog at usok na aakyat papunta ng la­ngit? Kasi wala naming usok na pababa. Lahat ‘di ba paakyat.

Anuman ‘yung tunay na dahilan, basta ginagawa ko na lang dahil sa pananampalataya. Dahil may Diyos tayong nadidinig sa lahat ng nais nating sabihin.