Abante Tonite Interactive

Dating bida, nagiging kontrabida

By
598

Gaano nga ba kabilis lumipas ang panahon at nagbago ang sitwasyon? Gawin natin halimbawa ang mga transport network company (TNC) o ang ride-sharing app na Grab.

Noong nakaraang taon lang, bidang-bida sa mga kliyente nila ang Grab at Uber. Katunayan, ipinaglalaban pa sila na huwag silang alisan ng akreditasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa panahong iyon kasi, pinag-aaralan pa ng LTFRB kung magbibigay pa ng provisional autho­rity o certificate of public convenience sa mga driver, at ang prangkisa ang mga TNC.

At dahil may smart phone at load o data ang mga tumatangkilik sa Uber at Grab, dumagsa sa internet mula sa mga netizen ang suporta sa mga TNC. Dahil sa dami ng suporta, natural na makikita ito ng mga mambabatas at susuporta siyempre sa popular na isyu para sa mga TNC.

Ito ang panahon na ang tingin ng mga pasahero eh bida at hero ang mga TNC laban sa ilang abusado, isnabero, kolokoy at manyak na mga taxi driver. Pero wala pang isang taon, nagbago na ang ihip ng hangin.

Sangkaterba na nga­yon ang reklamo sa mga driver ng Grab na mula sa pangongontrata, may manyak din, grabeng maningil at mga isnabero. Tanong ng ating kurimaw na hindi marunong gumamit ng kanyang smart phone, hindi kaya mga dating taxi driver ang mga kolokoy na lumipat sa pagiging Grab driver?

Sabi ng Philippine Competition Commission (PCC), batay sa ginawa nilang pagsisiyasat, bumaba o sumama raw ang serbisyo ng Grab sa Pilipinas mula nang makuha nila [at patayin] ang kakompitensiyang Uber.

Bakit nga naman hindi mangyayari ito, wala na silang kakompitensiya kaya nasolo nila ang merkado. At kapag walang ibang pagpipilian ang mga tao, natural na iyon at iyon ang kanilang kukunin, maliban na lang kung babalik sila sa paggamit ng serbisyo ng taxi.

Mantakin mo, nabisto rin ang P2 per minute travel na sinisingil ng Grab na umano’y hindi nila ipinapaalam sa kanilang mga pasahero, ayon sa isang kongresista. Maliban pa diyan ang sinasabing ‘taga’ na singil nila na ‘surge charge’ kapag rush hour o pahirapan ang sakay.

Ngayon, sa panahon na sumasabay sa high blood ang taas presyo ng krudo, bilihin, serbisyo, at masahe sa sauna, este pasahe sa jeep, gusto ng Grab na ibalik ang P2 per minute charge.

Ang tanong, dapat pa ba silang pagbigyan kung talagang nangdenggoy sila sa singil na ito? Hindi ba kung iligal nilang ipinatupad ang singil, marapat lang na ibalik muna nila ang iligal na singil at saka pag-usapan kung dapat silang ma­ningil ng P2 per minute travel charge?

Hindi naman daw nagpapabaya ang LTFRB, maliban sa nire­repaso nila ang mga reklamo laban sa Grab, nag-apruba na rin sila ng mga bagong TNC para magkaroon ng pagpipi­lian ang mga pasahero. Pero dapat magkaroon ng malinaw na patakaran ang LTFRB para hindi ‘pacman’ ang Grab sa hinaharap na kakainin ang lahat ng kakompitensiya.

At habang nagiging kontrabida sa pani­ngin ng mga pasahero ang Grab na mistulang walang utang na loob sa mga tumangkilik at nagtanggol sa kanila noon, dapat sigurong magbangon-puri ang mga taxi driver at ipakita na hindi sila ang tunay na kontrabida sa lansangan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”