Abante Tonite Interactive

Dating kaibigan napanaginipang buntis

119

Napanaginipan ko na nagpunta raw ako sa isang handaan, sosyal ang lugar at naka-pormal ang mga tao. Sa naturang party, dumating ang isa sa mga dati kong close friend. Dati kaming nagkatampuhan at hanggang ngayon hindi pa nababalik sa dati ang aming samahan. Ang nakakagulat, nakita kong buntis siya. Nilapitan ko siya at sinamahan papasok sa loob pero hindi kami masyadong nag-usap dahil ramdam ko na may tensyon pa rin sa pagitan namin. Maya-maya pa, dumating ang boyfriend niya na kaibigan ko rin. Doon na ako nagising.

Dalawang simbolismo ang puwedeng bigyan ng kahulugan sa iyong panaginip – ang handaan at ang buntis mong kaibigan. Ang panaginip tungkol sa pagbubuntis ay simbolo ng bagong development na nangyayari sa iyong buhay. Anuman ang pagbabagong ito, meron itong malaking impact sa buhay mo tulad ng malaking goal – bagong project, bagong lifestyle, bagong negosyo.

Sa pagbabagong ito, apektado ang iyong emosyon. Kung halimbawa ay isang bagong negosyo ito, napaka-personal nito sa iyo o napakalapit nito sa puso mo kaya hindi lamang ito bagong negosyo kundi maaaring ito na ang inaasahan mong magiging katuparan ng isang matagal nang pinapangarap sa buhay.

Halimbawa, ang isang artist ay maaaring managinip ng pagbubuntis kung meron siyang uumpisahan o inuumpisahang isang bagong work of art. Pag-aralan kung aling aspeto ng buhay mo nagkakaroon o magkakaroon ng malaking pagbabago. Dito mo maikokonek ang iyong panaginip.

Ang bahagi naman ng iyong pana­ginip kung saan ang isang kaibigan na nakasamaan ng loob ang iyong napanagi­nipan ay maikokonek sa iyong emosyon. Sinabi mong nagkaroon kayo dati ng samaan ng loob ng kaibigan mong ito. Dahil siya ang naging sentro ng iyong pana­ginip, indikasyon ito na hanggang nga­yon ay apektado ka sa pagkasira ng inyong magandang samahan. Sa iyong pana­ginip, sinabi mong ramdam mo ang tensyon sa pagitan mo at ng iyong dating kaibigan. Bagama’t negatibo ang naramdaman mo, ang paglapit mo sa iyong kaibigan ay pagpapakitang handa ka pa ring ayusin ang inyong samahan at ito mismo ay isang magandang development sa aktuwal na buhay kung gagawin mong makatotohanan.

Ang panaginip naman tungkol sa isang handaan ay itinutu­ring na good omen sa mga makalumang paniniwala. Itinuturing itong positibong panaginip dahil nagbabadya raw ito ng mga magagandang pangyayari sa mga darating na araw. Ang pagkain kasama ang mga mahal sa buhay ay indikasyon na magpapatawad ka o makakatanggap ng kapatawaran mula sa isang tao. Kung ang kapatawaran na ito ay iikot sa iyo at sa kaibigan mo, isa itong magandang pangyayari na dapat mong abangan.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating pana­ginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.