Abante Tonite Interactive

Dating Kapamilya actor malalagay sa alanganin ‘pag sumuporta sa network

1,750

MAY isang dating kapamilyang aktor na nagseserbisyo na ngayon sa kabilang kuwadra. Napakalaki ng utang na loob na dapat niyang tanawin sa kanyang dating network.

Produkto siya ng isang talent search ng istasyon, nagkapangalan siya at nakilala sa network na binubulabog ngayon, gustung-gusto niyang magpahayag ng kanyang saloobin.

Pero nakatali ang kanyang mga kamay. Wala namang pinalulutang na pagbabawal ang kanyang network ngayon pero siyempre’y meron siyang inaalala.

Sabi ng aming source, “Natural, inaalala niya ang contract niya sa station niya ngayon. Nandu’n na kasi siya, wala nang urungan ang paglipat niya, baka masamain ‘yun ng kumpanya at ng mga katrabaho niya!

“Kaya gustung-gusto man niyang magparamdam ng suporta sa dati niyang network, e, hindi niya magawa, baka malagay sa alanganin ang contract niya,” sabi ng aming impormante.

Komento naman ng pagkontra ng isang source, “Dapat pa ngang purihin ang mga artistang marunong tumanaw ng utang na loob, di ba? Kung ganu’n siya sa dati niyang istasyon, e, ganu’n din ang gagawin niyang pagpapasalamat sa network niya ngayon.

“Tayaan na ito ng baraha, magkakaalaman na kung sinu-sino talaga ang mga personalidad na marunong magpahahalga,” makabuluhang katwiran ng aming source.

-o0o-

ANG inaabangan ngayon ng buong bayan ay kung ano ang paninindigan ng isang pamosong female personality tungkol sa kinapapaloobang matinding problema ngayon ng kanyang dating istasyon.

Kung magsasalita ang babaeng personalidad ay siguradong kilo-kilometrong pahayag-kuwento ang kanyang maibibigay dahil hindi basta-basta lang ang karanasang inabot niya sa naturang network.

Para siyang malaking lobo na tinanggalan ng asoge sa kanyang dating istasyon, hindi siya tinirhan ng kahit maliit na butas lang, pinagsaraduhan talaga siya ng pinto, dingding, bintana at bubong ng nasabing istasyon.

Sabi ng aming kakuwentuhan, “Naku, magsasalita siya, promise! May mga nagpapayo lang siguro sa kanya ngayon na huwag nang makisali dahil lalabas siyang hard loser.

“Pero kung kilala nga natin siya, e, walang makapipigil sa kanya, maglalabas siya ng mga hinaing, siya pa ba naman?

“Kaya lang, gusto niyang mapaiba siya sa iba. Sosolohin niya ang pagkakataon. At siguradong sasabihin niya na pagkatapos ng lahat, e, kanya pa rin ang huling halakhak!” madiing komento ng aming source.
Puwede!

Alden ‘di totoong sabit lang sa tagumpay ni Kathryn

KUMAIN kami ng aming grupo isang gabi sa isang kilalang restaurant sa bandang South. Kuwento ng mga empleyado ng restaurant ay madalas daw kumain du’n si Alden Richards at ang kanyang mga kasama.

“Kabait na bata,” sabi agad ng guwardiya. “Sikat na sikat na siya, pero napaka-humble niya pa rin,” sabi naman ng driver ng kilalang restaurant.

Nagkatinginan kaming magkakasama. Napakasarap kasing pakinggan ng mga papuring hindi naman namin hinihingi. Dagdag pa ng isang waitress, “Kapag nakipag-usap siya, palaging namumupo si Alden. Laging may paki siya kapag may hinihingi.”

Hindi na ‘yun bago sa aming pandinig, wala pa kaming nakausap na nagbitiw ng negatibong salita laban kay Alden Richards, ‘yun na talaga ang kanyang naturalesa.

Nu’ng gabi ng parangal ng GEMS ay uuwi na sana si Alden pagkatapos niyang tanggapin ang kanyang Best Actor award para sa The Gift.

Pero pinakiusapan siya ni Direk Cathry Garcia-Molina na hintayin muna nila ang parangal para sa Hello, Love, Goodbye. Silang dalawa raw ang kailangang umakyat sa entablado.

Naniniwala ang direktor na mahalagang bahagi ng HLG si Alden, silang dalawa ni Kathryn Bernardo ang tinangkilik ng publiko, kabaligtaran ng iginigiit na ilang KathNiel fans na sabit lang ang Pambansang Bae sa tagumpay ng pelikula.

Ang istorya ng pelikula ay umikot sa buhay nina Alden at Kathryn, hindi sa ibang karakter, ganu’n ba ang sabit lang sa tagumpay?

Tanggapin na kasi ng mga taong ‘yun na nakaka-1.3 billion na o higit pa ang pinagtambalang pelikula nina Alden at Kathryn, highest topgrosser of all time ng industriya ang HLG, walang kahit sinong makakukuwestiyon sa katotohanang ‘yun.

Huwag na kasing magmaasim pa, tama na ang mapapaklang salita laban kay Alden Richards, naganap na ang lahat.