Abante Tonite Interactive

Dating Korean Army camp sa Leyte gagawing quarantine

537

Inihahanda na upang maging quarantine area ang dating military base ng Republic of Korea Armed Forces sa Palo, Leyte para sa mga pinaghihinalaang carrier ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Mayor Frances Ann Petilla, kanilang gagamitin ito sakaling dumami pa ang bilang ng mga person under investigation (PUI) sa COVID-19.

Pero sinabi ng alkalde na ang mga aalagaan sa dating military base ay iyong mga PUI na walang lugar sa kanilang bahay para mag-self quarantine,

Nabatid na hanggang noong Abril 1 ay nasa tatlo na ang PUI at 118 ang person under monitoring (PUM) sa bayan ng Palo.

Sabi ni Petilla, sa ngayon hindi pa nila kinakailangang gamitin ang dating military base subalit mas mabuti na rin ang maging handa.

Ang dating military base na matatagpuan sa Government Center ay katapat lang ng regional office ng Department of Health (DOH). Ginamit ito ng mga tropa ng South Korea na tumulong sa mga biktima ng super bagyong Yolanda noong 2013.

Inayos ng mga personnel ng Philippine Army 546th Engineering Construction Battalion na nakabase sa Tacloban City ang nasabing pasilidad na gawa sa mga container van.

Nagtayo rin sila ng mga banyo at wall fan at iba pang kakailanganin ng mga PUI habang naka-quarantine.

Babantayan ng mga personnel ng Municipal Health Office ang pasilidad na maaaring ipagamit sa 500 katao. Mayroon itong 30 kuwarto na magsisilbing isolation area para sa mga PUI. (PNA)

Tonite – Wendys Inhouse Ad