Abante Tonite Interactive

Dating matinee idol rampadora sa mall

917

MADALAS makitang nag-iikot sa isang mall ang isang dating matinee idol ng kanyang panahon. Wala namang masama sa kanyang ginagawa, may kalayaan siyang magpunta kahit saan, pero pinagtatakhan ng mga nakakakita sa kanya ang itsura ng male personality.

Kuwento ng isang source, “Hindi maipagkakaila na siya ‘yun! Kahit paano naman, e, bumida siya sa maraming movies nu’ng panahon niya!

“Nagtataka lang ang mga miron na nakakakita sa kanya kung bakit ganu’n ang gayak niya? Naka-shorts siyang maigsing-maigsi, ‘yun parang pek–k shorts na ang dating, ikot siya nang ikot sa mall na parang meron siyang hinahanap!

“Nakakapanibago nga naman ‘yun dahil kapag lumalabas siya sa TV at movies nu’n, e, pormal na pormal ang datingan niya! Tapos ngayon, e, makikita mo siyang ganyan!” paliwanag ng aming impormante.

Minsan naman ay nakita siyang may mga kasamang kalalakihan sa isang pamosong coffee shop. Sa labas sila pumuwesto kaya kitang-kita sila ng mga dumadaan.

Ibang impormante ang nagkuwento, “Ganu’n din ang dating niya. Naka-short-shorts din siya na punit-punit. Talagang halos kita na ang wetpax niya sa sobrang igsi ng shorts niya!

“Lalo silang nakaka-attract dahil tawanan sila nang tawanan na nag-aapiran pa! Maya-maya, may dumating pa silang mga kasama, kagayak din ng male personality ang mga bagong dating!

“Nagniningning ang color ng mga suot nila, nag-iigsian din ang mga shorts nila! Mga becki ang dumagdag sa grupo nu’ng male personality! Natural, dahil apiran sila nang apiran, e, nagtatanungan ang mga nakakakita sa male personality na kasama sa grupo.

“Ano na ba ang nangyayari sa kanya? Nag-out na raw ba siya? Nagpaalam na ba siya sa image niya nu’n bilang leading man ng mga sikat na female personalities?

“Hindi niya maiaalis na maging curious ang mga nakakakita sa kanya, kilala siyang artista, e! Kung ayaw niyang pinagpipistahan siya, e, huwag siyang ikot nang ikot sa mga mall!

“Huwag siyang lumalabas ng bahay na nakamaigsing shorts siya! At huwag siyang nakikipag-apiran sa mga kasama niyang becki!

“Haaay, naku! Nakakaloka siya!” pagtatapos ng aming source.

‘Manika’ kinumpara sa pako

ITINAGO sa pangalang Manika ng kanyang umalis na PA ang isang magandang young actress. Maldita raw talaga ang young actress ayon sa kanyang PA.

Matagal nang umiikot ang kuwento ng kamalditahan niya, ‘yun din ang madalas na komento ng kanyang mga nakakatrabaho, nabigyan lang daw siya ng oportunidad na magbida sa serye ay umariba na ang kanyang kamalditahan.

Nakakatawa ang pagtatago sa kanyang pangalan. Manika. Doll sa Ingles. Parang ostrich ang young actress na nakatago nga ang ulo sa buhangin pero nakalitaw naman ang katawan.

Para ring pako si Manika. Nakalubog ang katawan pero nakalantad ang ulo. Sabi ng mga nagkomento sa rebelasyon ng kanyang PA, “Ay, kilalang-kilala namin kung sino ang young actress na ‘yan! Si Ken ang partner niya bilang doll, kapangalan niya si Barbie Forteza!”

Ha! Ha! Ha! Ha!

Frankie may ‘K’ sanggain si Digong

MARAMING kababayan natin ang humanga sa pagiging palaban ng panganay nina Senador Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta na si Frankie.

Kahit milya-milya ang kanyang layo dahil abala siya sa kanyang pag-aaral sa New York City ay hindi niya pinabayaang basta gawan ng isyu ang nananahimik niyang pamilya.

Natural lang namang ipagtanggol ni Frankie ang kanyang mga magulang lalo na’t alam niya namang walang katotohanan ang binitiwang pagbibiro ni PRRD na matagal nang pinalalayas ng kanyang ina ang senador pero hindi lang nito magawa dahil walang ibang matitirahan.

Masakit ‘yun para sa isang anak lalo na’t balot na balot siya ng lungkot sa isang malamig na bansa at malayo sa kanyang pamilya.

May karapatang sanggahin ni Frankie ang ganu’ng isyu. Hindi nga naman ginagawang biro-biro ang relasyon ng ating kapwa.

Pinalaki ni Sharon ang kanyang mga anak na maging matapang sa tama pero unang-unang dapat magpakumbaba kapag sila ang mali.