Abante Tonite Interactive

Dating pulis nilikida ng tandem

266

Tinambamgan at pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isa sa riding-in-tandem ang isang retiradong pulis sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang biktimang si Benjamin Ramos, 54-an­yos, huling nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at taga-No. 101 J.B. Santos St., Wawa, Barangay Tangos.

Ayon kay Col. Balasabas, alas-siyete nang gabi nang maganap ang pa­nanambang sa M. Naval St. corner Rajah Bagunda St. Barangay Daanghari, Navotas City.
Sakay umano ang biktima sa minamanehong motorsiklo nang dikitan ng mga suspek.

Kaagad na bumunot ng baril ang angkas na nakaitim na jacket saka pinaputukan si Ramos.

Bumagsak sa semento mula sa motor ang duguang biktima bunga ng mga tama ng hindi pa mabatid na mga bala ng kalibre ng baril sa ulo at katawan habang mabilis na tumakas ang mga salarin.

Nag-early retirement si Ramos sa ranggong sarhento na dapat sana ay da­lawang taon pa sa serbisyo.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng pulis sa posibleng pagkaki­lanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente. (Orlan Linde)