Abante Tonite Interactive

Davao fire chief nag-sorry lang

By ,
375

Abot-abot ang paghingi ng tawad ng regio­nal head ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pamilya ng biktima ng sunog sa NCCC mall sa Davao City dahil sa kabagalan nitong maisalba ang buhay ng 36 na natusta sa sunog.

Ginawa ito ni BFP 11 Regional Director Rico Neil Kwan Tiu sa harap ng pamilya, kaanak, survivors at mga lokal na opisyal ng lungsod sa pangunguna ni Davao City Mayor Sara Duterte na dumalo sa misa noong Lunes.

Humingi ng tawad si Tiu dahil hindi niya pinuwersa ang pagsira ng konkretong dingding upang makapasok ang mga bumbero sa nasusunog na shopping mall.

Nag-sorry din ito dahil hindi niya inutusan ang fire rescue team na gumapang para hanapin ang mga naipit noong nasusunog na ang gusali.

“In my heart, really from us (fire respon­ders) my deepest apology for not able to save them,” wika ni Tiu.

“Our deepest apology for not (being) able to save them because of the situation,” dagdag pa niya matapos idetalye ang ginawa nilang search operation.

Ibinunyag ni Tiu, personal na namahala sa ground operation, na nakita ng search ang rescue team ang mga bangkay sa hagdan patungo sa tanggapan ng Survey Sampling International (SSI) sa ikaapat na palapag ng gusali, taliwas sa mga naunang report na nakita ang mga bangkay sa locker room at sa restroom.

Binanggit din ni Tiu na wala pang pahinga ang mga bumbero noong rumesponde sila sa sunog sa NCCC mall na nagsimula noong Sabado ng umaga na umabot hanggang Linggo, dahil kagagaling lamang nila sa pagtulong sa mga binaha sa Davao City dahil sa bagyong Vinta.

Sinabi naman ni Mayor Duterte na kabilang ang BFP sa iimbestigahan sa naging aksyon nila sa nasunog na establisiyimento, habang isang third party investigator na irerekomenda ng pamilya ng mga biktima ang magsasagawa ng independent investigation.

Tiniyak din kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang magiging cover-up sa im­bestigasyon sa nasunog na mall.

Ayon sa Pangulo, ito ang kanyang ipina­ngako sa pamilya ng mga biktima para matukoy ang puno’t dulo ng malagim na insidente.

“What I assured them is that truth will – let the truth come out. Yan lang naman ang ano rin nila eh. Totoo lang, ano ang nangyari,” ani Duterte.