Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Davao firm lumutang sa P2B IT scam

0 463

Ni Nancy Carvajal

Lumalalim ang isyu hinggil sa diumano’y korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may kinalaman sa P2 bilyong Information Technology (IT) project ng ahensya.

Isang kompanya na nakabase sa Davao City ang pinaboran umano sa pagdisenyo ng web application ng PhilHealth sa kabila ng posibleng may paglabag sa Universal Health Care (UHC) Act at kawalan nito ng basic requirements para gawin ang proyekto, ayon sa mga source at dokumentong napasakamay ng online news site Politiko (politics.comph.

Nabatid na ang HiDok Inc., isang start-up tech company na nag-aalok ng clinic appointment sa pamamagitan ng app, ay pag-aari ng mga taong may koneksyon umano sa `Mindanao group’ sa PhilHealth, batay sa isang insider sa ahensya.

Napasakamay ng Politiko ang minutes ng mga pulong, memorandum ng iba’t ibang department, at komunikasyon sa pagitan ni PhilHealth president Ricardo Morales at HiDok chief executive officer Melvin Cabatbat.

Sa isang liham ni Morales na may petsang Setyembre 25 kung saan ipinabatid nito sa HiDok na inaprubahan ang proposal ng kompanya sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP), binanggit ng opisyal ang posibleng paglabag sa UHC Act at Data Privacy Act ng HiDok bilang third party.

“We also would like to inform you also that in the Republic Act No 11223, otherwise known as the Universal Health Care (UHC) Act, Philhealth is clearly specified as the repository of health and health–related data. Concerning your proposed HiDok common platform, its implementation should not be in any way, in violation of the UHC Act as well as the Data Privacy Act,” ani Morales.

Binanggit din sa minutes ng pulong ang mga kakulangan ng HiDok para ipatupad ang proyekto. Binanggit din ang ilang butas na nakita ng evaluation team sa HiDok project proposal katulad ng mga sumusunod:

*Walang prinisentang mga kliyente kung saan ginamit ang solutions.

*Walang existing data sa insurance validation na kailangan ng PhilHealth.

*Nag-iipon pa ng pondo para gamitin sa paggawa ng prototype.

Sa kabila nito, noong Oktubre 4, 2019, wala pang isang buwan matapos na mag-alok na gagawin ang PhilHealth app, inendorso ang HiDok sa PPP Steering Committee ng Internal and Local Engagement Department base umano sa utos ni Morales.

Noong Setyembre 7 at 18, 2019, nagsumite ng proposal ang HiDok para gawin ang software web application ng PhilHealth upang ikonek ang mga stakeholder nito sa loob at labas ng healthcare sector.

Nakasaad din sa minutes ng pulong na ang board member na si Alejandro Cabading ang siyang nagdala sa HiDok sa PhilHealth. Ipinakita sa isa pang dokumento na ang unang sulat ng HiDok sa alok nitong serbisyo ay ipinadala sa pamamagitan ni Cabading.

Ayon sa insider, tahimik lamang na tinutulan ng mga miyembro ng evaluation team ang HiDok proposal subalit kailangang sumunod dahil galing umano sa taas ang utos sa kanila.

Tinangkang kunan ng reaksyon ang PhilHealth sa alegasyon subalit hindi ito makontak.

Leave A Reply

Your email address will not be published.