Abante Tonite Interactive

Davao formula

0 240

Hindi lingid sa kaalaman ng madla na pinaghalawan ni Pang. Duterte ang mahigit tatlong dekadang karanasan niya at ng kanyang pamilya bilang naghaharing angkan sa Davao City upang maipanalo ang halalang 2016, makonsolida ang kanyang naghaharing koalisyon, at manungkulan bilang isa sa mga pinaka-po­pular na Pangulo, ayon sa mga survey.

Sasabihin, halimbawa, ng mga taga-Davao na ang animo’y pag-urong-sulong ng kandidatura ni Duterte bilang Pangulo sa simula ng kanyang kampanya noong 2016 ay gimik na ginamit na niya sa pagtakbo bilang mayor. Siyempre pa, unang binalangkas at pinatupad ni Duterte bilang mayor ng Davao City ang paggamit ng retorika ng ‘gera kontra droga’, tokhang, at pagpatay sa mga maralitang pinaghihinalaang gumagamit ng droga — ang kasalukuyang centerpiece ng kanyang administrasyon, at pinagbabatayan ng kanyang umano’y popularidad. Sa pagtingin ng kampo ni Duterte: “Kung pumatok sa Davao, papatok din sa buong Pilipinas.”

Kung gayon, may ibubunga marahil kung balikan ang karanasan ni Duterte bilang mayor ng Davao City upang mahinuha ang susunod na mga hakbang niya, lalo na kaugnay ng numero unong palaisipan na kailangang masolusyonan habang papalapit ang 2022 at katapusan ng kanyang termino. Labas sa mga pamamaraang extra-constitutional, tulad ng pagdeklara ng revolutionary government, paano matitiyak ni Duterte at ng kanyang naghaharing sirkulo na kakampi ang susunod na Pangulo? Batid niya na sa kulungan ang kalalag­yan niya kung sakaling kaaway ang maluklok sa Malacañang.

Kung ibabatay sa nangyari sa Davao, huma­lili ang anak na si Sara sa tatay bilang mayor. Malinaw na pinaghahandaan na ng kampo ni Duterte ang ganitong posibilidad. Itinatambol na ng mga amuyong ng Palasyo na ‘sure winner’ na siya sa 2022 (sa kabila ito ng relatibong palpak na track record ni Sara bilang endorser at kampan­yador ng kanyang partidong Hugpong nitong nakaraang halalan).

Kaakibat nito, pina­ngungunahan na ni Duterte mismo ang pagbatikos sa mga ‘presidentiable’: Mula kay Bise Presidente Robredo na ‘walang alam’, Sen. Grace Poe na binansagan niyang ‘atribida’, at maging si Sen. Ri­chard Gordon na tinadtad niya ng mga insulto kamakailan.

Ngunit isa pang sangkap ng ‘Davao formula’ na nagpanatili ng kapit ng mga Duterte sa poder ang pagtakbo ng ama bilang vice mayor ng kanyang anak matapos ang ikatlong termino ni Duterte bilang ma­yor noong 2010. Sara Duterte for President, Rodrigo Duterte for Vice President sa 2022?

Maaaring lumutas ito ng ilang mga problema, ngunit lilikha rin ng iba para sa naghaharing koalisyon ni Duterte. Siguradong panalo kaya ang ganitong kombinasyon? O manunumbalik kaya ang panawagang “Tama na, sobra na, palitan na!”?