Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Davao sumirit COVID: 400 call center worker sapol

0 128

Mahigit 400 empleyado ng isang business process outsourcing firm sa Davao City ang na-test na positibo sa COVID-19.

Sinabi ni Dr. Marjorie Culas, Davao City assistant health officer, na sinailalim nila sa COVID-19 test ang 1,000 katao, kung saan 403 sa mga ito ang nagpositibo sa resulta.

Aniya, masyado itong mataas kaya napilitan silang i-lockdown ang lugar.

“There was really surge within the workplace,” sabi ni Culas sa isang press conference nitong Lunes.

Binanggit din niyang mataas ang COVID-19 positivity rate sa Davao na 7.47% dahil 5% lamang ang pamantayan ng Department of Health (DOH).

Inanunsiyo naman ng OCTA Research Group nitong Lunes na posibleng manguna ang Davao City sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon sa grupo, mayroon silang naitala na siyam na “area of concern” sa Visayas at Mindanao dahil nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19.

Kabilang umano dito ang Davao City na tinataya nilang madadagdagan pa ang mga kaso ng COVID-19 infection sa mga susunod na araw. Nalaman na nitong Mayo 31 hanggang Hunyo 6 ay nakapagtala ang Davao City ng 206 karagdagang kaso. Mataas ito ng 54% kumpara sa 134 kumpirmadong kaso nitong nakalipas na linggo.

Kasama rin sa “area of concern” ang lungsod ng Cagayan de Oro, General Santos, Koronadal, Cotabato, Bacolod, Iloilo, Dumaguete, at Tuguegarao.

Samantala, inihayag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nitong Lunes na umabot na sa full capacity ang mga temporary treatment and monitoring facility (TTMF) nila para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Kaya hiniling umano nila na ilagay ang lungsod sa modified enhanced community quarantine (MECQ) para matugunan ang pagsirit ng mga kaso ng COVID at pagdami ng occupancy rate sa mga TTMF at ospital. (Issa Santiago/Juliet de Loza-Cudia/PNA)

Leave A Reply

Your email address will not be published.