Abante Tonite Interactive

Davis binangko sa fourth quarter

By
0 142

Walang naging problema sa performance ni Anthony Davis sa pagbabalik-laro para sa New Orleans Pelicans, ngunit ang nakapagtataka ay ang big­laang pagpapaupo sa kanya sa crucial fourth quarter.

Lamang lang ng dalawa ang Pelicans papasok ng huling canto, 90-88, dapat sana’y masasandigan ang six-time NBA All-Star na si Davis sa closing minutes ngunit hindi nasulyapan ang anino nito sa court.

Sa 25 minutong salang nito, nakapag-ambag ang 6-foot-10 forward ng 32 points at nine rebounds, ito’y sa kabila ng kaliwa’t kanang pambo-boo ng fan ng pinag­lalaruang koponan.

Bagama’t naibulsa ng Pelicans ang panalo, 122-117, hindi nakaligtas sa media ang gina­wang pambabangko ni New Orleans head coach Alvin Gentry sa star forward.

Saad ni Gentry, limi­tado umano ang ibibi­gay na minuto kay Davis, mula 22-25 minuto lang kada laro.

“AD and I talked pregame about playing 22-25 minutes,” pakli ni Gentry. “That’s why he didn’t go back in the game.”
Hindi inilahad ni Gentry ang dahilan sa pagbakod sa minuto ni Davis, posibleng dahil sa nata­mong sprained left finger noong January 18. Nagkaroon din ito ng isyu tungkol sa paghiling nito ng trade sa Pelicans ilang linggo na ang nakararaan.

Napabalitang posibleng magmulta ang New Orleans kung sakaling igagarahe si Davis, ngunit kailangan ding pangalagaan ang kalusugan para hindi bumaba ang trade value sa susunod na summer, at kung ganito ang magiging siste, posibleng marami pang laro na maglimlim sa bench ang 25-anyos na athlete.