Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Davis, James hinagupit Spurs

0 67

HINAGUPIT ng triple-double ni LeBron James ang San Antonio.

Winelcome ni James ang unang araw ng 2021 sa bisa ng 26 points, 11 rebounds at 10 assists para ihatid ang Los Angeles Lakers sa 109-103 panalo kontra dinayong Spurs.

Humarabas ng 34 points, 11 rebounds at 5 assists si Anthony Davis, 15 points kay Dennis Schored at tig-11 pa kina Kentavious Caldwell-Pope at reserve Kyle Kuzma sa 4-2 Lakers. Kumalawit ng 11 boards si Montrezl Harrell.

Limang Spurs ang umiskor ng double digits sa back-and-forth game sa pangunguna ng 26 ni Keldon Johnson na may 10 rebounds pa. Halos triple-double na 23 points, 9 rebounds at 7 assists ang pinakawalan ni DeMar DeRozan.

Nagbaon ng apat na tres si Davis, pinakamahalaga ang huli na nagtabla sa laro sa 103-103. Siya rin ang pasimuno sa stops ng Lakers sa sumunod na dalawang possession ng Spurs bago inagaw ng Lakers ang manibela sa tip-in ni Kuzma sa sablay ni LeBron.

Sinelyuhan ng mid-range jumper ni James ang panalo.

Hindi natapos ni Caldwell-Pope ang laro nang abutin ng left ankle sprain sa third quarter matapos ilista ang 8 sa first 10 points ng second half.

Pa-dunk ang starting guard nang bumigay ang paa, napahiyaw at tumiklop sa baseline. Ilang minuto pa siyang naupo sa floor bago bumalik ng locker room. Ipapa-X-ray si KCP para masiguro kung gaano kalala ang injury. (VE)

Leave A Reply

Your email address will not be published.