Abante Tonite
Mabilis sa Balita

De-BMW na Tsinoy tinakasan bill sa Sogo

0 161

Sa Maynila na nadakma ang isang Filipino-Chinese na sinasabing co-owner ng Sanyo Appliances sa naganap na hot pursuit operation ng awtoridad matapos umanong mag-amok at takasan ang kanyang bill sa isang hotel sa Quezon City, Martes ng umaga.

Hindi rin bababa sa 10 sasakyan ang binangga ng suspek na si Arvin Chua Tan, 46-anyos, residente ng New Manila, QC ay nakapiit na sa QCPD Kamuning Police Station 10 habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa estafa, resistance and disobedience to a person in authority and multiple damage to property.

Sa report ng QCPD Kamuning Police Station 10, bandang alas-10:30, kahapon ng umaga, naganap ang insidente sa Hotel Sogo na matatagpuan sa Timog Avenue, Barangay South Triangle.

Ayon sa reklamo ni Catherine Silva, 40, branch manager ng Hotel SOGO, bandang alas-11:00, kamakalawa ng gabi, nag-check-in sa SOGO Hotel ang suspek at kinabukasan nang lalabas na umano ito ay tumangging magbayad ng kanyang bill.

Nagulat pa umano ang mga staff ng hotel na sa halip na magbayad ay galit pang nanghingi si Tan ng halagang P20,000 sa hindi malamang dahilan.

Dahil dito, nagkasagutan ang suspek at ang staff ng hotel. Dahil tila wala sa sarili na nag-aamok si Tan ay ini-report na ito sa Kamuning Police Station 10.

Agad namang rumesponde ang mga pulis at habang nasa kalagitnaan ng komprontasyon ay mabilis na sumakay si Tan sa nakaparada niyang itim na BMW sa parking lot ng hotel, pinaharurot ito at binangga ang nakaparadang mobile car ng mga awtoridad, maging ang NMAX motorcycle na sinasakyan ng isang nakilalang P/MSg. Tagulao.

Tumakas ang suspek at hinabol siya ng awtoridad. Sinasabing binangga rin ni Tan ang ilang mga sasakyan, kabilang ang nadaaanang LTO mobile car, motorsiklo at tricycle.

Umabot ang hot pursuit operation sa kahabaan ng Recto Ave. sa kanto ng Nicanor Reyes St. sa Maynila kung saan tuluyang nadakma ang suspek.

Ipinasailalim pa sa drug test si Tan ng mga awtoridad upang malaman kung nasa ilalim siya ng impluwensya ng iligal na droga matapos umanong magsisigaw at magwala sa loob ng himpilan ng Kamuning Police Station 10. Ayon kay QCPD Station 10 commander Alex Alberto, may dati nang kaso ang suspek, na nagpresenta ng ID mula sa DILG.

Itinakbo ang driver ng tricycle sa ospital. Samantala, nagdulot ng buhol-buhol na trapiko sa kahabaan ng España ang nasabing insidente. (Dolly Cabreza/Zaerus Mariano/Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.